Bonus dale ng SMB | Pilipino Star Ngayon


MANILA, Philippines — Ayaw na ng mga Beermen na madiskaril ang paglagok sa No. 1 spot sa eight-team quarterfinal round.

Inangkin ng San Miguel ang top seed sa quarterfinals matapos lasingin ang sibak nang NorthPort, 126-91, sa PBA Season 49 Philippine Cup kahapon sa Ynares Center sa Antipolo City.

Bumanat si CJ Perez ng 24 points mula sa 11-of-19 field goal shooting para sa SMB habang may tig-17 markers sina Jericho Cruz at Don Trollano.

Nagtapos sa magkaka­tulad na 8-3 record, pero umangat ang Beermen sa NLEX Road Warriors at Magnolia Hotshots dahil sa kanilang superior quotient.

Bitbit ang ‘twice-to-beat’ advantage sa quarterfinals, lalabanan ng SMB ang No. 8 Meralco.

“I think its a different ball game now, Iyong nakaraan is past na iyon,” ani Perez sa pagsagupa ng Beermen sa Bolts na tumalo sa kanila sa nakaraang PBA Philippine Cup Finals. “Si­yempre, we need to redeem ourselves also.”

Ang Top Four teams ang bibigyan ng ‘twice-to-beat’ bonus sa quarterfinals kontra sa magtatapos sa No. 8, 7, 6 at 5, ayon sa pagkakasunod.

Mula sa 25-16 abante sa first period ay nagsimulang humataw ang San Miguel sa pagbibida nina Perez at Marcio Lassiter para ilista ang 57-38 halftime lead.

Lalo pang nabaon ang NorthPort sa 48-77 sa 6:25 minuto ng third quarter kung saan tuluyan nang ipinahinga ni Austria si eight-time PBA MVP June Mar Fajardo.

Tumapos ang 6-foot-10 na si Fajardo na may 10 points at 11 rebounds.

Tinapos ng Beermen ang nasabing yugto sa 92-67 patungo sa 111-74 pagbaon sa Batang Pier tampok ang three-point play ni Jeron Teng kay Cade Flores sa 7:18 minuto sa final canto.

Pinamunuan ni Joshua Munzon ang NorthPort sa kanyang 19 points at may 13 at tig-11 markers sina Flores, Jerrick Balanza at Fran Yu, ayon sa pagkakasunod.

Tinapos ng Batang Pier ang kanilang kampanya sa 2-9.