Dennis, umiyak sa ginawa ni Jennylyn


Isang bagong kanta ang isinulat ni Jennylyn Mercado para sa asawang si Dennis Trillo. Nakatulong ng aktres sa pagsusulat ng Paulit-ulit Kang Pipiliin si Jonathan Manalo ng Star Music.

“Isa sa mga kantang kasama sa bago kong EP. Ginawa namin siya ni Jonathan para kay Dennis. On the spot ‘yon, ‘Gawa tayo ng kanta, oh sige, kwento ka.’ Tapos habang nagkukuwento ako, nagsusulat na siya, binubuo na namin ‘yung song,” nakangiting kwento sa amin ni Jennylyn sa Fast Talk with Boy Abunda.

Para sa Kapuso actress ay talagang espesyal at makahulugan ang bagong kantang ginawa para kay Dennis. “Gusto ko siyang maging parte ng album na ‘yon. Kasi espesyal ang album na ‘yon dahil bago ‘yung recording company na ‘to. Espesyal dahil katrabaho ko si Jonathan Manalo at gusto ko siyang maging parte ng album na ‘yon. No’ng nag-recording ako ng song na ‘yon, sinama ko siya (Dennis). Pero hindi niya alam na ‘yon ‘yung nire-record ko. Sinurprise ko siya, tapos no’ng natapos na namin ni Jonathan, pinarinig namin sa kanya ‘yung raw. Sabi ko, ‘Para sa iyo ‘yan, ito ‘yung lyrics,’” pagdedetalye ng aktres.

Halos mapaluha naman daw si Dennis nang unang marinig ang kantang isinulat ng aktres para sa kanya. “Siyempre po nakaka-surprise. Lalo na po personal ‘yung mga narinig ko sa lyrics. Parang ‘pag narinig mo, designed talaga itong kantang ito para sa akin dahil asawa ko ‘yung gumawa eh. Pinipigilan ko ‘yung pag-iyak dahil may mga ka­mera eh. Isip-isip ko, sige, hindi ko na lang ipapakita. Pero sa loob ko grabe ‘yung kirot dahil siyempre ang sarap ng pakiramdam na gawan ka ng kanta na ikaw ‘yung inspirasyon,” nakangiting paglalahad ni Dennis.

Samantala, napapanood na ngayon tuwing gabi sa GMA Primetime block ang Sanggang-Dikit FR na pinagbibidahan nina Dennis at Jennylyn. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nakagawa ang aktres ng isang action series. “Isa itong maaksyon na series, Tito Boy. Pero maganda dito balance ‘yung comedy, action, drama. Talagang mai-enjoy ng mga tao. Ngayon kasi first time naming walang naiiwan kay Dylan. Kasi usually, siya muna magwo-work, tapos ako nasa bahay. Ngayon sabay kaming nawawala sa bahay. Pero ang maganda do’n, nakakaintindi na si Dylan. ‘Oh, magwo-work lang si mama.’ Okay lang sa kanya. Minsan late nakakauwi pero hindi naman palagi. Masarap ‘yung feeling na magkasama naman kami sa set. Ang sarap ng pakiramdam na kasama mo ‘yung mahal mo sa buhay, pati sa trabaho hindi lang sa bahay,” pagbabahagi ni Jennylyn.

“Napakaimportante din na napakakumportable na rin namin sa isa’t isa. Feeling ko malaking bagay ‘yung kumpor­table ka at nagagawa mo nang maayos ‘yung trabaho mo dahil hindi ka nahihiya do’n sa katrabaho mo. Nakakapag-usap kayo kung paano pagagan­dahin ang mga eksena,” dagdag naman ni Dennis.

Aminado ang Kapuso actor na nakaramdam ng takot dahil sa paggawa ni Jennylyn ng maaaksyong eksena sa bagong serye. May pagkakataong umabot pa raw ng anim na beses kinunan ang isang eksena dahil hindi kaagad ito nagawang maayos ni Jennylyn. “Siyempre lalo na no’ng umpisa dahil first time niya rin na gaganap na ganito, maaaksyon na eksena. Dati, kahit ‘yung pagtakbo niya hindi maayos eh,” pagtatapat ng aktor. — Reports from JCC