Nagpupuyos sa galit ang mga may-ari ng motorsiklo dahil sa napakahirap magpa-renew ng kanilang rehistro. Pangunahing hinahanap sa magpapa-renew ng motorsiklo ay ang plate number na inisyu ng Land Transportation Office (LTO) bago maisalang sa Motor Vehicle Inspection Test na pangunahing requirement din sa pagrerehistro.
Paano na lang kung hanggang sa ngayon ay hindi pa naire-release ang plaka at kung may plaka man, baka kung saang rehiyon pa ito naipadala ng mga palpak na mga kawani ng LTO.
Noong una hindi ako naniniwala na may gayong problema sa plaka ng motorsiklo. Sa pagkaalam ko, mula nang umupo si President Ferdinand Marcos Jr., naimando na ito sa tanggapan ng LTO na apurahing i-release ang mga plakang minana pa nila sa mga nagdaang administrasyon.
Tama naman itong si Marcos dahil sa totoo lang libu-libong plaka ang nakatengga sa LTO, ito ang tinatawag nilang backlog na dapat pagtuunan ng pansin ng ahensiya. Subalit tila pogi-point lamang ang kautusan ni Marcos sa LTO dahil kung susumahin ko itong mga motorsiklong lumabas sa mga motorcycle dealer sa bansa, milyun-milyon na ito dahil sa tagal.
Umabot na ng milyun-milyon ang backlog ng mga plaka kaya tambak na ang mga ito. Kaya ang hinananakit ng motorcycle owners, dapat kumilos ang LTO na mai-release na ang backlog na mga plaka.
Sa ngayon na gumagana na ang No Contact Aprrehension Policy (NCAP) sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila particular sa EDSA, dapat lamang i-release na ang lahat ng plaka sa mga motorsiklo. Kung sa Metro Manila ay super ang paghihigpit ng mga traffic enforcers, mas mahigpit ang LTO sa mga lalawigan.
Nang mag-renew ako ng motorsiklo sa Capiz, may nai-release na palang plaka ang motor na iparerehestro ko. Masama pa nito naka incode sa system ng LTO na ang plaka ng motor ay nai-release sa Region 13. Kaya napurnada ang pagrehistro ng motorsiklo dahil kailangan ko pang kunin ko ang plaka sa Region 13 o ipakiusap sa LTO Caraga na ipadala na lamang sa LTO Roxas City. Anong klaseng ahensiya ang LTO ngayon, Malinaw naman kasi kung saan nairehistro ang motorsiklo. dapat doon din nila ipadala!
Tinatawagan ko ang DOTr na kastiguhin ang LTO dahil sa mga plaka ng motorsiklo na hindi pa nadedeliber. Maraming pabaya sa LTO!