Ipinakilala kamakailan ng scientists sa National University of Defence Technology (NUDT) sa Hunan, China ang isang makabagong drone na kasing laki ng lamok at pati itsura.
Unang ipinakita ito sa publiko sa pamamagitan ng isang news report mula sa CCTV 7, isang public news channel. Ang naturang drone ay may maliliit na pakpak na kumakampay at manipis na mga binti na halos kapareho ng totoong insekto, dahilan upang mahirapan itong matukoy kung tunay o artipisyal.
Dahil sa sukat nitong 1.3 centimeters lamang, maaari itong makalusot nang hindi napapansin sa halos kahit anong espasyo, dahilan para maging epektibong kasangkapan sa surveillance, military reconnaissance, at rescue operations.
Maaari itong kontrolin sa pamamagitan ng smartphone at may kakayahan ding magsagawa ng mga gawaing gaya ng pagsuri sa air quality gamit ang mga sensor, o paggalugad sa mga mapanganib na lugar pagkatapos ng kalamidad.
Gayunman, aminado rin ang mga gumawa nito na mayroon pang mga hamon na kailangang malampasan ang maliit na drone. Limitado pa rin ang battery life nito dahil sa liit ng sukat, at hindi rin nito kayang makapagdala ng mas mabibigat o karagdagang kagamitan.
Samantala, naging viral ang drone sa social media sa China kung saan marami ang namangha sa teknolohiyang ito. Sa kabilang banda, nagdulot din ito ng pag-aalala sa iba dahil posibleng gamitin ang maliit na drone sa pag-espiya, na maaaring makaapekto sa privacy ng publiko.