MANILA, Philippines — Bumira si Isa Molde ng 20 points mula sa 19 attacks at isang block para gabayan ang Choco Mucho sa 25-19, 13-25, 25-22, 25-20 pagtakas sa Galeries Tower sa 2025 Premier Volleyball League (PVL) on Tour kahapon sa Batangas City Sports Center.
Nagdagdag si Des Cheng ng 13 markers para sa 1-0 marka ng Flying Titans sa Pool A, habang may walo at tig-pitong puntos sina Royse Tubino, rookies Jen Villegas at Ayesha Juegos, ayo sa pagkakasunod.
Naglaro ang tropa ni coach Dante Alinsunurin na wala si Sisi Rondina, bumalik sa Alas Pilipinas beach volleyball team, at sina injured Dindin Santiago-Manabat (knee) at Kat Tolentino (ear).
“First game pa lang namin ito, sigurado may mga challenges pang darating sa bawat game namin. Sabi ko nga, kailangan pa namin talagang mag-push pa.”
Binanderahan ni No. 2 overall draft pick Jean Asis ang Highrisers sa kanyang 16 markers at may 22 excellent sets si veteran playmaker Fhen Emnas.
Pinangunahan ni Molde ang ratsada ng Choco Mucho sa first set, 25-19, bago nakabangon ang Galeries Tower sa second frame para itabla ang laro sa 1-1.
Nahirapan naman ang Flying Titans sa third set kung saan kumamada sina Asis, Jewel Encarnacion at Ysa Jimenez bago kumulapso sa dulo.
Lumaban din nang husto ang Galeries Tower sa fourth frame sa pagdikit sa 14-18 bago pangunahan nina Molde at Cheng ang opensa ng Choco Mucho para kumpletuhin ang four-set win.
“Grabe rin kasi ‘yung tiwala ko sa teammates ko na alam ko na magde-deliver din sila,” ani Molde. “So hindi naging mahirap ‘yung responsibility ko sa team kasi nandiyan naman sila para suportahan kami.”
