DALAWANG linggo na ang nakalilipas mula nang magbukas ang klase sa public school. Nabatbat ng problema ang pasukan sapagkat muling lumutang ang mga dating problema kagaya ng kakulangan sa mga silid-aralan. Nagsiksikang parang sardinas ang mga estudyante sa maliit na classroom. Kapos din sa mga guro. Pero ang isang problemang tila hindi na tinututukan ng Department of Education (DepEd) ay ang anomalya sa voucher program para sa Senior High School. Huling sinabi ni DepEd Sec. Sonny Angara na may kaugnayan sa SHS voucher program ay post paid na umano ang ginagawang pagbabayad dito.
Mabuti kung ganito ang gagawing pagbabayad para maiwasan ang anomalya at hindi masakripisyo ang pag-aaral ng mga senior high school na umaasa rito. Pero ang gustong malaman ng taumbayan ay kung natukoy na ba ang mga nasa likod ng anomalya na umabot sa P52 milyon ang naibayad ng DepEd sa mga pribadong eskuwelahan pero wala namang estudyanteng naka-enroll. Napakalaki ng perang sangkot at ito ay nagmula sa buwis ng mamamayan. Nararapat lamang na malaman kung sino ang mga nakinabang. Ayon sa report may mga sangkot na tauhan ng DepEd. Paano makatitiyak ang taumbayan na hindi na ito nangyayari sa kasalukuyan.
Sumingaw ang anomalya noong nakaraang Marso kung saan nabatid na “ghost students” ang mga naka-enroll sa 12 pribadong eskuwelahan. Nang i-verify ang mga naka-enroll na estudyante, nabisto na “ghost students” ang mga ito. Walang estudyante na naka-enroll subalit nabayaran na ang mga ito ng DepEd. Kitang-kita ang katiwalian. Ang kawawa ay ang ibang estudyante na gustong mag-aral subalit walang kakayahang pinansiyal. Napakasaklap na mayroong mga “buwayang” nakikinabang sa pera na dapat ay sa mga karapat-dapat na estudyante mapunta.
Ayon sa report, 1,474,702 senior high school ang naka-enroll para sa school year 2023-2024, ang panahon na nadiskubre ang “ghost students”. Nagsimula ang SHS voucher noong SY 2016-2017. Ang pinangangambahan ay baka mas malaki pa ang halagang nanakaw ng mga tiwali. Maaaring magtakipan ang mga personnel at school officials na nag-facilitate sa SHS voucher program.
Nang magkaroon ng Brigada Eskuwela sa isang school sa Bulacan, ilang araw bago ang umpisa ng pasukan noong Hunyo 16 sinabi ni Angara na mananagot ang mga sangkot sa SHS voucher program.
Halukayin ang anomalyang ito sa lalong madaling panahon. Huwag hayaang makawala sa batas ang mga nasa likod ng anomalya. Buwis ng taumbayan ang ninakaw at dapat itong maibalik.