Ion, pulos si Vice ang pinagdarasal!


Inulit ni Vice Ganda sa kanyang interview kay ­Karmina Constantino kung bakit sila sumasailalim sa theraphy ng mister niyang si Ion Perez.

Nabanggit na niya ito noong December, sa presscon ng And The Breadwinner Is… na nagpapa-counselling nga sila.

Inamin niyang marami nga silang pinagdaraanan ng kanyang asawa na gumimbal sa kanilang mental health.

Ito ‘yung na-suspend sila dahil sa kanilang landian sa It’s Showtime.

Inilahad niya sa vlog ni Karmina na “Imagine mo ‘yung na-suspend ‘yung programa namin dahil sa ginawa namin. Na para sa amin hanggang ngayon ay wala kaming nakikita na mali sa ginawa namin. Tapos nagmukha kaming kriminal, tapos nagkaroon kami ng criminal case because of that,” ayon sa post ng It’s Showtime.

Dagdag pa niya paliwanag:  “Anong mali sa pagmamahalan natin? Anong mali? So ang dami — epekto ng pandemya, ‘yung prangkisa. So na­ngarag kami. Siyempre bago rin siya sa showbiz; hindi siya sanay na kinakalkal ang buhay niya, bina-bash siya. So nagte-therapy kami. Tapos kinuwento sa akin ng therapist grabe ang pagmamahal sa iyo ni Ion. Sabi ko ‘bakit po?’ ‘I asked him to write a prayer at ‘yung dasal niya puro sa iyo,” pahayag pa niya.

“Kasi feeling niya kaya nangangarag ang career ko at It’s Showtime because of him. Na parang kung hindi naman tayo mag-asawa hindi naman  tayo kakain ng cake, at kung hindi tayo kumain ng cake hindi naman tayo sususpendihin.

“‘Yung guilt, ang lala ng guilt niya. Lahat ng dasal niya puro sa akin. Sana ‘wag akong magkakasakit, ‘wag akong magbago sa kanya, na ‘wag kang mawawala. ‘Wala siyang dasal para sa sarili niya, puro tungkol sa ‘yo.’ Kaya sabi ‘grabe ang pagmamahal sa iyo ni Ion.’  And even the people clo­sest to us kitang-kita nila ‘yon. The people who really know us sinasabi ‘grabe ang pagmamahal sa iyo ni Ion,’” pagkukuwento pa niya tungkol sa rason kung bakit kailangan nilang magkonsulta sa mental doctor.

Maaalalang nasuspinde ng two weeks noong Oktubre 2023 ang mag-asawa dahil sa subuan ng cake sa ere base sa desisyon ng Movie and Television Review and Classification Board.