Kawawa naman ang kalagayan ng mga residente ng Negros Occidental na naapektuhan ng pagputok ng Kanlaon Volcano noong nakaraang Abril 8 na sinundan ng panibagong pagputok noong Mayo 13. Hanggang sa kasalukuyan nasa walong evacuation centers ang mga apektadong residente na ayon sa report ay umaabot sa 1,048 pamilya na binubuo ng 3,293 katao. Halos apat na buwan na ang mga residente sa evacuation centers. Humihingi ng tulong ang mga residente sapagkat kaawa-awa ang kanilang kalagayan sa evacuation centers.
Nang pumutok ang Kanlaon noong Hunyo 2024, nasa 3,905 ang naapektuhang pamilya at lahat ay kinupkop sa evacuation centers. Nagsiksikan sila sa evacuation centers. Mainit dahil walang ventilation ang evacuation centers. Dahil sama-sama, nagkakahawahan ng sakit. Mas nakaaawa ang mga bata na mas madaling dapuan ng sakit. Reklamo rin ng evacuees ang kakulangan ng tubig sa evacuation centers. Malaking problema ang kakulangan ng kubeta.
Hanggang sa kasalukuyan, hindi pa umano natatanggap ng local government units (LGUs) ng Negros Occidental ang P203 milyon na karagdagang pondo na ipinangako ng Malacañang, dalawang buwan na ang nakararaan. Kailangan ng LGUs ang pondo para mapakain ang mga nasa evacuation centers. Kung magtatagal pa ang pagdeliber ng pondo, lubhang kaawa-awa ang kalagayan ng evacuees.
Hanggang ngayon din naman ay hindi pa natutupad ang pangako ng pamahalaan na desenteng evacuation centers sa mga biktima ng kalamidad. Ang patuloy na ginagamit bilang evacuation centers ay ang mga eskuwelahan. Apektado rin ang pag-aaral ng mga bata dahil ginawang tuluyan ang mga eskuwelahan.
Noong Disyembre 6, 2024, nilagdaan ni President Ferdinand Marcos Jr. ang Ligtas Pinoy Centers Act kung saan magtatayo nang matibay na evacuation centers sa bawat bayan na kumpleto sa pasilidad. Binigyan ng direktiba ng Presidente ang Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa pagtatayo ng evacuation centers. Sabi ni Marcos, tiyakin ng DPWH na matatapos sa tamang panahon ang konstruksyon ng evacuation centers at dapat nakasunod ito sa mga pamantayan ng National Building Code.
Walong buwan na ang nakararaan mula nang lagdaan ang Ligtas Pinoy Centers Act pero wala pang nababalita na may naitayo nang evacuation centers. Ayon sa PAGASA, mas maraming bagyo ang dadalaw sa bansa sa ikalawang bahagi ng 2025. Tiyak na babaha. Posible ang paglindol at pagputok ng bulkan. Saan dadalhin ang mga maaapekuhan? Sa eskuwelahan uli? Kilos DPWH!