MANILA, Philippines — Isang 57-anyos na babae ang nasawi nang mahulog sa sinasakyang motorsiklo at pagbagsak ay nagulungan ng kasunod na SUV sa kahabaan ng H. Abellana Street, Barangay Basak, Mandaue City, Cebu, nitong Miyerkules ng gabi.
Ang biktima ay kinilala sa alyas “Wena”, residente ng Lower Cubacub, Purok 7, Mandaue City.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, alas-9:30 ng gabi ay angkas sa motorsiklo si Wena na minamaneho ng 57-anyos na si Rene, residente ng Zone 3, Canduman.
Habang bumabagtas sa nasabing kalye ay biglang tumawid ang isang asong gala kaya’t ito ay nasalpok dahilan para tumilapon si Rene at Wena.
Dito ay sumulpot ang kasunod na SUV na minamaneho ng isang alyas “Richie”, 18-anyos, residente ng Poblacion, Liloan at nasagasaan si Wena.
Agad na dinala si Wena sa pinakamalapit na ospital, subalit idineklarang dead-on-arrival.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente upang madetermina ang liability at posibleng ikakaso sa 18-anyos.