MANILA, Philippines — Walang iba kundi gintong medalya ang tatargetin ni Karl Eldrew Yulo sa 3rd Artistic Gymnastics Junior World Championships na idaraos sa Nobyembre 20 hanggang 24 sa Manila Marriott Hotel Grand Ballroom sa Newport World Resorts sa Pasay City.
Alam ni Yulo ang tindi ng laban na haharapin nito sa torneo na magtatampok ng mahigit 80 bansang kalahok.
Subalit tiwala si Yulo dahil desidido itong maging isa sa pinakamahusay na junior gymnasts sa mundo.
“I hope I can make a good performance because I want to be one of the best junior gymnasts in the world,” ani Yulo na nakababatang kapatid ni Paris Olympic double gold medalist Carlos Edriel Yulo.
Nagsasanay na si Yulo para sa torneo.
Sa katunayan, dumayo ito sa Nagoya, Japan para mag-training kasama si Japanese coach Munehiro Kugimiya.
“This is my major international competition this year, and, with the help of God, I want to show the world my best,” ani Yulo.
Nais naman ni Gymnastic Association of the Philippines president Cynthia Carrion na mag-enjoy si Yulo sa naturang world juniors competition. Ayaw nitong bigyan ng malaking pressure ang bagitong gymnast upang makapag-perform ito ng maganda.
Mahigit 60 gymnasts ang inaasahang darating sa Maynila para lumahok sa world juniors.
Makakasama ni Yulo sa kampanya si US-based Elisabeth Antone na naka-tanso sa Asian junior gymnastics meet na ginanap noong Hunyo sa Jecheon, South Korea.
