Nxled tumabla sa PLDT sa itaas


MANILA, Philippines — Humataw si EJ Laure-Cariño ng 16 points mula sa 14 attacks, isang service ace at isang block para banderahan ang Nxled sa 26-24, 25-23, 25-23 panalo sa Galeries Tower sa 2025 Premier Volleyball League (PVL) on Tour kahapon sa FilOil EcoOil Arena sa San Juan City.

Ito ang ikatlong dikit na ratsada ng Chameleons para sosyohan ang PLDT High Speed Hitters sa liderato sa Pool A.

“Naalala ko lang iyong sinabi ko last season na very competitive talaga iyong mga teammates ko sa training. So parang ngayon nakikita namin na pati sa loob ng court,” sabi ni Laure-Cariño.

Nagdagdag si Jov Fernandez ng 14 mar­kers, habang may 13 points si Chiara Permentilla at may 15 excellent sets si Jaja Maraguinot para sa tropa ni Italian coach Ettore Guidetti.

“We started to play with patience in our system, passing very good, and to be today honest my open spikers and my opposites they have a very good work,” dagdag ni Guidetti.

Bagsak ang Highrisers sa 0-3 baraha bagama’t nakahugot kay Jewel Encarnacion ng 15 points kasunod ang 11 markers ni rookie Jean Asis.

Mula sa 4-13 pagkakaiwan sa first set ay buma­ngon ang Nxled at inagaw ang 14-13 abante patungo sa 26-24 panalo sa Gale­ries Tower.

Muling lumamang ang Highrisers sa 13-10 sa se­cond frame bago naagaw ng Chameleons ang 20-17 kalamangan.

Dumikit ang Galeries Tower sa 23-24 sa likod ng isang 5-1 bomba kasunod ang service error ni France Ronquillo na nagbigay sa Nxled ng 25-23 panalo.

Nakatabla ang Highri­sers sa 23-23 sa third set matapos bumalikwas mula sa 18-21 butas sa likod nina Ivy Perez, Rochelle Baliton at Encarnacion.

Dalawang sunod na puntos naman ang iniskor nina Laure-Cariño at Fernandez para kumpletuhin ang straight-sets ng Chameleons.