SMB itatagay ang 2-1 lead vs TNT


MANILA, Philippines — Naka-move on na ang San Miguel mula sa kontrobersyal na kabiguan sa Game One at ngayon ay nakatutok sila sa pag-agaw sa 2-1 lead kontra sa TNT Tropang 5G sa Season 49 Philippine Cup Finals.

“After the loss, I think we have to bounce back. Everybody realized na we have to step up kasi hindi birong malagay sa 0-2,” ani Beermen coach Leo Austria sa kanilang 98-92 pagresbak sa Tropang 5G sa Game Two para makabawi sa 96-99 pagkatalo sa series opener.

Mag-uunahan ang San Miguel at TNT sa paglapit sa korona sa Game Three ngayong alas-7:30 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.

Sa kanilang pagganti noong Miyerkules ay kumamada si Don Trollano ng 22 points at nagdagdag sina June Mar Fajardo, Mo Tautuaa at Jeron Teng ng 17, 16 at 10 markers, ayon sa pagkakasunod.

Sa nasabing kabiguan ng Tropang 5G ay nagkaroon si 6-foot-8 center Poy Erram ng isang right ankle sprain sa third period.

Hindi pa sigurado kung makakalaro siya para tulungan ang TNT sa mis­yong makamit ang pambihirang Grand Slam matapos pagharian ang mga nakaraang Governors’ Cup at Commissioner’s Cup.

Hindi naglalaro para sa PLDT franchise sina injured guards Jayson Castro at Rey Nambatac, habang may iniindang injury sina Kelly Williams, Roger Pogoy at Calvin Oftana.

“Whoever is next in line, they’re just going to have to do their job. Hopefully Poy can bounce back, but if not we will be ready,” ani  Brandon Ganuelas-Rosser.

Ito ang inaasahang sa­sa­mantalahin ng Beermen sa pamumuno nina eight-time PBA MVP June Mar Fajardo, CJ Perez, Mo Tautuaa, Chris Ross, Marcio Lassiter at Trollano.