Bago sumabak sa Gilas training
MANILA, Philippines — Nagpapakundisyon na ang buong Gilas Pilipinas para sa FIBA Asia Cup na aarangkada sa susunod na buwan sa Jeddah, Saudi Arabia.
Hindi pa kumpleto ang players sa training camp dahil nasa PBA Philippine Cup finals pa sina June Mar Fajardo at CJ Perez ng San Miguel Beer, at Calvin Oftana ng Talk ’N Text.
Makakasama sina Fajardo, Perez at Oftana sa training camp sa oras na matapos ang finals.
Posibleng magkaroon muna ng ilang araw na pahinga ang tatlo upang makarekober at makapag-recharge bago sumabak sa panibagong ensayo kasama naman ang Gilas.
Masaya ang Gilas Pilipians coaching staff dahil nakapagsimula na sa conditioning si naturalized player Justin Brownlee na galing sa injury gayundin si AJ Edu.
“He’s (Brownlee) okay now,” ani Gilas assistant coach Richard Del Rosario.
Kasama na rin sa ensayo sina Japan B.League import Dwight Ramos, Korean Basketball League champion Sakers Carl Tamayo, Chris Newsome, Jamie Malonzo, Troy Rosario at Scottie Thompson.
Nakatakda munang sumalang sa friendly game ang Gilas laban sa Macau Black Bears sa Hulyo 28 sa Smart Araneta Coliseum.
Ito ang magsisilbing send-off ng Gilas bago tumulak sa Jeddah, Saudi Arabia.
Mapapalaban ang Gilas sa FIBA Asia Cup dahil nasa Group D ito kasama ang powerhouse New Zealand, Chinese-Taipei at Iraq.
Unang makakalaban ng Pinoy squad ang Chinese-Taipei sa Agosto 6 kasunod ang New Zealand sa Agosto 8 at ang Iraq sa Agosto 10.
Ang mangungunang team sa bawat grupo ay awtomatikong uusad sa quarterfinals habang ang No. 2 at No. 3 teams ay daraan sa knockout play-off round.
