Gilas Youth 2-0 na sa SEABA


MANILA, Philippines — Mabilis na dinispatsa ng Gilas Youth ang Thailand sa pamamagitan ng 87-42 demolisyon upang manatiling malinis ang rekord nito sa FIBA U16 Asia Cup SEABA Qualifiers na ginaganap sa San Fernando City sa Pampanga.

Natuto na ang Gilas Youth sa mabagal na simula nito kontra sa Vietnam sa kanilang opening game.

Kaya naman nagpasabog agad ng 31-1 run ang Pinoy cagers sa first quarter sa likod nina Andwele Cabanero, Jhustin Hallare at Prince Carino.

Solido rin ang depensa ng Gilas na napuwersa ang Thailand na makagawa ng siyam na turnovers at bigong makapuntos sa kanilang 19 field goal attempts.

Subalit bumawi ang Thailand sa second quarter.

Umiskor ito ng 19-16 laban sa Gilas Youth — bagay na agad na pinuna ni head coach LA Tenorio.

“We reminded them during halftime that moments like the first quarter will come, like we could do nothing wrong,” ani Tenorio.

Pinaalalahanan ni Tenorio ang bataan nito na irespeto ang laro at ang mga kalaban nito.

“We need to respect the game and respect our opponents. It’s natural. In the game, nakita nila na kaya yung kalaban kaya nang-gigil pero that’s not what I want to teach them. What we want them to learn is that we always need to play the game the right way,” ani Tenorio.

Sa second half, nagi­sing agad ang Gilas Youth na nagtala pa ng pinakamalaking kalamangan na 45 puntos sa fourth quarter para makuha ang panalo.

Nagtala ng kabuuang 21 turnovers ang Thailand na may mababang 16 porsiyentong shooting clip.

Bumandera sa Gilas Youth si Gab Delos Reyes na nagtala ng 16 puntos at siyam na rebounds habang nakalikom si Carino ng 15 points.