Bilang na ang mga araw ng China Communist Party


SA paglalakbay ko sa China marami akong nakilalang Com­munist Party provincial commissars. Malayo sa isip nila ang sigalot ng China at Pilipinas sa karagatan. Inaatupag lang nila ang kaunlaran, katahimikan at katiwasayan sa kani-kanilang lokalidad. Marami sa kanila ay bumulong sa akin, “Mr. Bondoc, kung mapasyal kami ng pamilya ko sa Pilipinas, dalhin n’yo po sana kami sa Boracay.”

Mga pambansang opisyales lang sa Beijing ang nagpa­planong agawin ang West Philippine Sea. Hindi sila makuntento sa sariling 200 nautical miles na exclusive economic zone. Pati EEZ ng Pilipinas, Vietnam, Malaysia, Brunei, at Indonesia ay pinupuntirya.

Dahil dun pinalalakas nila ang People’s Liberation Army-Navy, air force, rocket force, space force, at cyber force. Na­uubos ang pera nila sa sandata at kagamitang panggiyera. Nakaliligtaan nila ang kapakanan ng sariling mamamayan.

Maraming college graduates sa China na disgustado sa pamunuang Komunista. Wala silang makuhang trabaho kasi mabagal ang paglago ng manufacturing. Nag-aalala ang kabataan na hindi sila makakabili ng sariling lupa’t bahay. Ni walang sariling sasakyan.

Ang mga magulang ng kabataang Chinese ngayon ay ang mga lumaban sa Tiananmen Square nu’ng 1989. Milyun-milyon silang nag-demonstrasyon hindi lang sa Beijing kundi sa marami pang urban centers. Tinuligsa nila ang diktadurya ng Komunista. Tiyak na ipinasa nila sa mga anak ang ganu’ng ideyolohiya kontra Komunismo.

Lumalaganap sa China ang relihiyon – Katoliko, Protestante, Evangelical, Muslim, Buddhist. Sumasampalataya sila sa Diyos na makapangyarihan. Kinasusuklaman nila ang mga Komunistang Atheist.

Samantala, kinaiinggitan ng mga biyaherong Chinese ang buhay sa malalayang bansa. Nais nilang magkaroon din ng demokrasya.