Mag-iisang taon nang magkasintahan sina Ashley Ortega at Mavy Legaspi. Sa kauna-unahang pagkakataon ay mas bata umano ang naging nobyo ng aktres. Halos tatlong taon ang agwat ng edad nina Ashley at Mavy.
“Isa rin siya sa mga hindi ko ini-expect sa life ko kasi Mavy’s younger than me. Lahat ng mga past relationships ko, talagang I prefer older men. Siya lang talaga ‘yung sabi ko, mai-in love rin pala ako sa younger,” pagbabahagi ni Ashley sa YouTube channel ni Anna Magkawas.
Ayon sa Kapuso actress ay talagang naibigan niya ang mga katangian ni Mavy.
“Super bait niya. Na-in love ako sa kanya kasi sobrang naging consistent siya. Lagi siya ang nagsusundo sa akin. He would always show up. As a boyfriend, super maalaga, super thoughtful, one call away, nandiyan lang siya,” pagtatapat ng dalaga.
Kahit parehong nasa show business ay talagang maayos ang takbo ng relasyon nina Ashley at Mavy. Hindi raw nagkaroon ng pag-aaway ang magkasintahan kahit kailan.
“Never naging problema talaga ‘yung jealousy. Proud naman ako na hindi ako selosa. Never pa kami nag-away ni Mavy or never pa kami nagkaroon ng argument based on jealousy. Siya, surprisingly hindi rin. Wala pa talaga kaming napag-aawayan and wala pa kaming na-bring up na conversation na bakit may ganito, bakit ganyan. Kasi we both trust each other. Even in my past relationships, never ako nagkaroon ng away,” paliwanag ng Kapuso actress.
Kiray, sumasakit ang ulo sa paghahanda sa kasal
Puspusan na ang ginagawang paghahanda ngayon nina Kiray Celis at Stephan Estopia para sa nalalapit nilang kasal. Matatandaang nag-propose ang binata sa aktres noong Abril.
“Ang hirap grabe. Ang daming kailangang asikasuhin. Sobrang little details lang pero kailangang tutukan mo. ‘Yung invitation, sapatos ng mga pupunta, siyempre gusto mo perfect, and siyempre ‘yung singer. Food tasting, wine tasting, ang daming gano’n,” pagdedetalye ni Kiray sa ABS-CBN News.
Nagulat umano ang aktres sa laki ng gastos para sa kanilang pag-iisang-dibdib ni Stephan. “Nagulat ako. Kasi noong una parang kalmado lang ako na mag-aayos ng kasal. Hindi ko alam ang dami palang kailangang bayaran. Lalo na kaming dalawa ng jowa ko, siyempre very equal kami. Pero as much as possible nga parang siya, ‘Sige, ako na ‘to.’ Ako lang talaga ‘yung aligaga because ayoko na ‘pag may napili siya, nando’n na tayo sa babayaran na niya, pero hindi ko bet. So parang ako pa rin ‘yung nag-aasikaso kasi gusto ko may touch ng ako, hindi niya. Gusto ko, hindi gusto niya, kasi alam ko naman lagi niyang sinasabi, “Kung gusto mo, gusto ko na rin,’” kwento ng dating child star.
Ayon kay Kiray ay limitado lamang ang kanilang mga magiging bisita ng kanyang fiancé sa gaganaping kasalan. Malalapit na kaibigan at mga kamag-anak lamang ang imbitado ng magkasintahan sa kasal.
“Sa pamilya ko pa lang, pamangkin ko pa lang, mga kamag-anak, ubos na ‘yung isang daan, kaloka. I mean, sobra, sobrang pili lang sa wedding namin, like family and entourage, walang guest. The friends are coming pero sa afterparty na. Sobrang sakit na ng ulo ko kung paano ko sila pagkakasyahin,” paliwanag ng aktres. — Reports from JCC
