Pilipino Star Ngayon
August 24, 2025 | 12:00am
MANDAUE CITY, Cebu , Philippines — Pupuntiryahin ng Adamson University ang korona ng 2025 Shakey’s Super League (SSL) National Invitationals Cebu Leg sa pagsagupa sa Ateneo de Manila University ngayon dito sa Mandaue Sports Complex.
Ito ay matapos talunin ng Lady Falcons ang Lady Panthers ng University of Southern Philippines Foundation, 25-15, 25-10, 25-16, kahapon para sa kanilang ikalawang sunod na panalo.
Kumana si Alas Pilipinas member Shaina Nitura ng 15 points mula sa 12 kills, dalawang service ace at isang kill block para muling banderahan ang Adamson.
Nag-ambag si Abigail Segui ng 13 markers kasunod ang tig-pitong puntos nina Lana Barrera at Frances Mordi.
Noong Biyernes ay dinagit ng Lady Falcons ang University of San Carlos Lady Warriors, 25-16, 31-33, 25-18, 25-12, tampok ang 28 markers ni Nitura.
“It’s a big game for us para ma-boost ‘yung confidence ng mga bata sa paglalaro. It’s a very good game towards our game against Ateneo,” ani NU coach JP Yude sa torneong itinataguyod ng Shakey’s Pizza Parlor, Peri-Peri Charcoal Chicken, Potato Corner at R and B Milk Tea.
Walang USPF player ang umiskor ng double figures kung saan naglista lamang si Katrina Inot ng pitong puntos, habang may lima at apat na marka sina Cherish Dayame at Faith Salvador, ayon sa pagkakasunod.
Nagmula rin sa panalo ang Blue Eagles matapos pulutanin ang Lady Panthers, 29-27, 25-20, 24-26, 25-14, noong Biyernes sa torneong suportado ng Asics, Mikasa, Smart Sports, F2 Logistics, Team Rebel Sports, Belo Deo, SM Tickets at PusoP.com bilang technical partners.
