Aktres, laging bad trip dahil sa lovelife!


SHOWBIZ GANERN! — Gorgy Rula — Pilipino Star Ngayon

August 30, 2025 | 12:00am

Kapansin-pansin ang hindi magandang timpla sa aktres kapag nasa set ito.

Naaalangan daw tuloy lumapit ang ibang staff dahil dahil laging bad mood daw ito.

Ang duda ng iba, may kinalaman ito sa isyu ng dating karelasyon na na­dadamay siya o baka naman may isyu sila ng bago niyang karelasyon?

Lately ay may hanash siyang ipino-post sa kanyang Instagram story tungkol sa pagpapatawad. Pero wala naman tayong ideya kung kanino niya ‘yun tinutukoy.

Binabalanse lang daw nila ngayon ang mood ni aktres kapag nasa set ito dahil minsan okay, pero nitong mga nakaraang araw ay hindi.

Ang duda ng ibang katrabaho niya, baka may kinalaman sa namumuong magandang relasyon sa kanyang leading man.

Tingnan muna natin!

Direk Mike De Leon, ‘di makakalimutan nina Charo at LT

Isang terror na direktor ang kaagad na maaalala ng karamihang mga artistang nakatrabaho ng namayapang direktor na si Mike de Leon.

Pero ang hindi matatawaran ay ang magagandang trabahong ibinigay nito sa pelikulang Pilipino.

Maraming classic films na maipagmamalaki mo na pawang gawa ni Mike de Leon.

Isa rito ang pelikulang itim ni Charo Santos na idinirehe ng namayapang direktor.

Si direk Mike rin ang humawak ng Kakabakaba at Kisapmata na lead actress din si Charo.

Kaya isa siya sa nagbigay ng pagpupugay sa namayapang direktor.

Si direk Mike rin ang nagdirek ng Sister Stella L. na isa sa memorable films ni Gov. Vilma Santos.

Nag-post din si Ate Vi ng mensahe para kay direk Mike na ang sabi niya, “Karangalan kong maging direktor ka, direk Mike De Leon. Pahinga na po kayo… Maraming salamat po! – Sister Stella L (praying emoji) (Ate Vi)”

Nagulat din si Lorna Tolentino nang ibinalita ko sa kanya ang tungkol sa pagpanaw ni direk Mike.

Nakatrabaho ni LT si direk Mike sa pelikulang Hindi Nahahati ang Langit, na ito yata ang first  commercial film na ginawa ng naturang direktor.

Dumaan din si Lorna sa pagiging mahigpit ni direk Mike, at nagkaroon pa raw sila ng tampuhan noon. Pero malaki ang naiambag ni direk Mike kay LT bilang isang aktres.

Doon na rin namin nalamang may komunikasyon pala si direk Mike at ang panganay na anak ni Lorna na si Rap Fernandez.

Isa sa pinagkaabalahan ni Rap ang archiving at nakikita naman ito sa mga ipino-post niya sa kanyang Facebook account.

Kaya raw may communication sina Rap at direk Mike ay dahil sa mga iniipon nitong old photos na ang iba ay nakuha niya kay direk Mike de Leon.

Naalala ni Rap na noong May pa raw ang huling palitan nila ng text ni direk Mike.

Balak pa raw sana niyang dalawin ito nung pumunta siya ng Baguio, pero hindi na raw sumasagot sa mga text message niya.

Nabanggit pa raw sa kanya na may sakit siya, at nalaman nilang may cancer ito. Hindi na raw ibinabahagi ni direk Mike de Leon ang karamdaman niya.

Nanghinayang lang si Rap na hindi niya nadalaw ito noong nasa Baguio siya.

Sang’gre, may booth sa fast food

Ang bongga ng Encantadia Chronicles: Sang’gre na nabigyan ng booth sa McDonald’s simula kahapon.

Matatagpuan ang Sang’gre booth sa branch nito sa Quezon Avenue Ligaya sa Quezon City, sa McKinley West Taguig, Capital Town sa Pampanga at Southwoods sa Laguna.

Hanggang sa Nov. 14 pa ito kaya mukhang tuluy-tuloy pa talaga itong Sang’gre.

Maganda na kasi ang takbo ng kuwento at consistent na mataas ang ratings.

Next week ay malalaman daw kung nag-resume na sila ng taping. Pero nilinaw sa amin ng taga-Sang’gre na hindi nila masasabing extended ang naturang fantasy series.

Marami pa raw mangyayari sa kuwento nito kaya tuluy-tuloy pa ito.

Kaya sa pagkakaalam namin ay malapit na silang mag-resume ng taping.