September 13, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Tumiklop ang World No. 82 Alas Pilipinas sa No. 43 Tunisia, 13-25, 17-25, 23-25, sa pagbubukas ng 2025 FIVB Volleyball Men’s World Championship kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Hindi sapat ang pagbibida nina Bryan Bagunas, Marck Espejo at Leo Ordiales para makasilat ang mga Pinoy spikers sa mga Tunisians sa Pool A.
“Medyo hindi maganda iyong first game namin, pero sa third set mas nakita ko iyong potential ng team,” ani Bagunas na humataw ng 22 points.
Sunod na lalabanan ng tropa ni Italian champion coach Angiolino Frigon ang No. 23 Egypt sa Martes at ang No. 13 Iran sa Setyembre 18 sa parehong venue.
Binuksan ng Tunisia ang first set sa 6-1 patungo sa 19-8 pagbaon sa Alas Pilipinas.
Ang tapik ni Ben Slimene ang tumapos sa laro sa 25-13.
Nakipagsabayan naman ang mga Pinoy sa second frame kungsaan sila nakadikit sa 12-18 sa likod ni Espejo, habang ang service error ni Jade Disquitado ang nagbigay sa mga Tunisians ng 25-17 panalo.
Sa third set ay naagaw ng Alas Pilipinas ang 6-4 bentahe tampok ang back-to-back ace ni Bagunas na siya ring tatlong beses nagtabla sa Nationals, ang huli ay sa 23-23.
Iniskor ng Tunisia ang huling dalawang puntos, kasama ang palo ni Slimene, para selyuhan ang kanilang straight-sets win.
