Pilipino Star Ngayon
November 7, 2025 | 12:00am
AMMAN, Jordan — Natapos ang kampanya ng Alas Pilipinas girls sa 2nd Asian Volleyball Confederation (AVC) Asian Women’s U16 Volleyball Championship matapos ang 14-25, 21-25, 15-25 kabiguan sa Chinese Taipei sa Final Eight round dito sa Prince Hamzah Sports Hall noong Miyerkules ng gabi.
Pinamunuan ni team captain Xyz Rayco ang mga Pinay spikers sa kanyang 12 points.
Nagdagdag si Nadeth Herbon ng 11 points, habang may 15 excellent digs si libero Frances Ramos.
Isasara ng Alas girls ang kanilang Final Eight campaign sa pagsagupa sa Thailand bago maglaro sa classification round para sa 5th hanggang 8th places.
Si Rayco ang nanguna sa tropa sa second set kung saan nila kinuha ang 17-12 bentahe.
Naagaw ng mga Taiwanese ang kalamangan mula sa isang 6-0 atake patungo sa 25-21 panalo at ilista ang 2-0 abante sa laro.
Tuluyan nang tinapos ng Chinese Taipei ang laro sa third frame sa pamumuno ni top scorer Chen Ting-Yi at Chang Yun-Chen.
Swak ang Chinese Taipei, nagtala ng 2-0 record sa Pool F, sa semifinals kasama ang Japan na winalis ang Thailand, 25-19, 25-16, 25-19.
Nakakuha rin ang dalawang koponan ng tiket para sa FIVB Volleyball Girls’ U17 World Championship.