Alas Men bagsak sa No. 78 sa world ranking


MANILA, Philippines — Lagapak ang Alas Pilipinas Men’s team sa No. 78 mula sa inupuang No. 64 sa pinakabagong FIVB world rankings.

Ito ay dahil na rin sa parehong fourth-place fi­nishes ng koponan sa nakaraang Leg 1 at Leg 2 ng 2025 SEA V.League na inilaro sa Candon, Ilocos Sur at sa Jakarta, Indonesia, ayon sa pagkakasunod.

Pinaghahandaan pa naman ng mga Pinoy spi­kers ang darating na 2025 FIVB Volleyball Men’s World Championship na nakatakda sa Setyembre.

Tatlong panalo lamang ang naihataw ng Alas  sa walo nilang laban sa da­la­wang yugto ng SEA V.League.

Sa kanilang pagsabak sa Leg 1 ng SEA V.League ay nakapuwesto pa sila sa No. 64 tangan ang 44.96 WR (world ranking) points bago nahulog sa No. 78 spot dahil sa 29.79 WR points.

Ang Kyrgyzstan ang pumalit sa Alas Men sa No. 64 place mula sa taglay na 53.17 WR points.

Bagsak din ang tropa sa No. 24 sa Asya na ikalawa sa pinakakulelat sa ranked teams sa Asian Volleyball Confederation (AVC).