August 18, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Maraming natutuhan ang Alas Pilipinas Women sa pakikipag-ensayo sa World No. 11 Dominican Republic bilang paghahanda nila sa 33rd Southeast Asian Games sa Bangkok, Thailand.
Noong Agosto 15 dumating sa bansa ang mga Dominicans para sabay na makipagsanay sa mga Pinay spikers kasunod ang ilan nilang friendly games.
Nahikayat ni Brazilian coach Jorge Souza de Brito ang kanyang mga kaibigang sina Dominican Republic coach Marcos Kwiek at deputy coach Wagner Pacheco.
Si Kwiek ay dating coach ng World No. 2 Brazil mula noong 2003 hanggang 2007 bago hawakan ang mga Dominicans.
Kumakampanya ang Dominican Republic sa bigating Volleyball Nations League (VNL).
“One thing is just what the guys play on VNL or the World Championship, but the difference in top-of-the-ball control they have,” ani De Brito sa mga Dominicans. “Our system is good, but we have a lot to grow, a lot to learn.”
Pinaghahandaan din ng Dominican Republic ang paghataw nila sa darating na 2025 FIVB Women’s World Championship sa Thailand sa susunod na buwan.
Nagmula ang Alas Pilipinas sa paghablot sa dalawang bronze medal sa nakaraang 2025 SEA V.League na inilaro sa Thailand at Vietnam.
Tumaas ang FIVB Women’s World Ranking ng mga Pinay hitters sa No. 46.