September 4, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Mainit ang simula ni Alex Eala matapos ilampaso si Arianne Hartono ng Netherlands sa bendisyon ng 6-2, 6-2 demolisyon sa first round ng Guadalajara Open na ginaganap sa Centro Panamericano de Tenis Grandstand Caliente sa Mexico.
Maganda ang ratsada ng 20-anyos na Pinay netter nang maglatag agad ito ng malakas na puwersa gamit ang solidong baseline game upang mabilis na makuha ang first set.
Naipagpatuloy ng No. 2 seed na si Eala ang matikas na kamada nito sa second set kung saan hindi na nito hinayaan pa na makaporma si Hartono.
Umabot lamang ang laro sa loob ng 70 minuto para masiguro ang pagpasok sa second round.
Ito ang ikaapat na sunod na tinalo ni Eala si Hartono.
Sa taong ito, una na sa Canberra 125 sa Australia sa iskor na 6-3, 6-3 kasunod ang pananaig nito sa W100 Bengaluru sa India sa bendisyon ng 6-2, 6-2 desisyon na parehong nilaro noong Enero.
Noong 2023, nagharap na rin sina Eala at Hartono kung saan nanaig ang Pinay bet 7-6 (4), 2-6, 6-1 sa Roehampton 2 tournament sa England.
Makakasagupa ni Eala sa second round si Varvara Lepchenko ng Amerika.
Nakapasok si Lepchenko sa second round nang patumbahin nito si Maddison Inglis ng Australia sa hiwalay na first round match sa pamamagitan ng 6-4, 6-1 panalo.
Ito ang unang torneo ni Eala matapos ang kaniyang kampanya sa US Open kung saan gumawa ito ng kasaysayan bilang kauna-unahang Pinay netter na nagtala ng panalo sa main draw ng isang Grand Slam event.
Tinalo ni Eala sa first round ng US Open si world no. 14 Clara Tauson ng Denmark sa iskor na 6-3, 2-6, 7-6 (11) ngunit yumuko ito sa second round kontra kay Cristina Bucsa ng Spain, 4-6, 3-6.
Matapos ang Mexico tournament, darayo si Eala sa Brazil para naman magpartispa sa Sao Paulo Open.
