Alex Eala sibak sa Birmingham doubles


MANILA, Philippines — Maalat ang simula ni Alex Eala sa grass season.

Maagang nasibak si Eala sa women’s doubles ng WTA 125 Lexus Birmingham Open na ginaganap sa Birmingham, England.

Sa pagkakataong ito, kapares ni Eala si Rebeka Masarova ng Switzerland.

Ngunit hindi pinalad ang tambalan nina Eala at Masarova nang yumuko ang mga ito sa first round laban kina second seeds Australians Ellen Perez at Storm Hunter sa iskor na 6-4, 6-4.

Tumagal ang laro ng 71 minuto.

Maganda naman ang panimula nina Eala at Masarova na naglatag agad ng 2-1 kalamangan.

Subalit bigo ang da­lawa na masundan ang ma­gandang momento nang umarangkada ng husto sina Perez at Hunter para makuha ang first set tungo sa 1-0 bentahe.

Ito ang naging magandang sandalan ng Australian pair na nadala ang momento sa second set.

Dalawang beses na-break nina Perez at Hunter sina Eala at Masarova para makuha ang 4-0 abante.

Nagawang makabalik sa porma nina Eala at Masarova nang dumikit ito sa 3-4.

Ngunit iyon na lamang ang nakayanan nina Eala at Masarova nang tuluyan nang magpakawala ng solidong laro ang Australians para makuha ang panalo.

Sesentro na ang atensiyon ni Eala sa women’s singles kung saan makakaharap nito si Linda Fruhvirtova ng Czech Republic.

Galing si Eala sa kampanya sa French Open kung saan natalo rin ito sa first round sa singles at second round naman sa doubles event.