Alex Eala top seed sa WTA 125 Lexus Open


MANILA, Philippines — Muling susubok si Alex Eala dahil sasabak ito sa WTA 125 Lexus Ilkley Open na aarangkada sa Ilkley Lawn Tennis & Squash Club sa Great Britain simula nga­yong araw.

Hawak ng Pinay netter ang top seed position sa torneo kung saan inaasa­hang makakaharap nito ang qualifier sa opening round ng torneo.

Wala pang pangalan ng player na makakalaban nito sa first round dahil manggagaling ito sa kung sino ang mananalo sa kasalukuyang ginaganap na qualifying round.

Kung uusad sa second round si Eala, posibleng makalaban nito si Sara Saito ng Japan na tinalo na ng Pinay bet ng dalawang beses sa season na ito.

Bumagsak sa No. 73 si Eala sa world ranking ng Women’s Tennis Association (WTA) na inilabas kahapon.

Nahawakan ni Eala ang career-high na 69th sa WTA ranking.

Ngunit bumaba ito sa puwesto matapos lumasap ng sunud-sunod na kabiguan sa kanyang mga nakalipas na torneo.

Una na ang pagkakasibak nito sa first round ng French Open sa Paris, France kung saan lumasap ito ng kabiguan sa kamay ni Colombian Emiliana Arango sa iskor na 0-6, 6-2, 3-6.

Sunod na sumalang si Eala sa Birmingham Open.

Subalit hindi rin maganda ang naging ratsada nito nang matalo ito kay Linda Fruhvirtova ng Czech Republic sa iskor na 5-7, 6-7 (7), 1-6, sa first round.