Alex Eala umukit ng kasaysayan sa US open!


Chris Co — Pilipino Star Ngayon

August 26, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Muling gumawa ng kasaysayan si Alex Eala matapos itarak ang unang panalo nito sa isang Grand Slam event kahapon sa US Open na ginaganap sa Queens, New York.

Nagawa ito ni Eala nang pabagsakin nito si Danish 14th seed Clara Tauson sa pamamagitan ng 6-3, 2-6, 7-6 (11) panalo sa first round ng women’s singles.

Si Eala ang kauna-unahang Pilipino na nagtala ng panalo sa main draw ng isang Grand Slam event.

Hindi makapaniwala si Eala sa panibagong tagumpay na nagawa nito.

“I’m super over the moon with what I was able to do today, especially co­ming back in the third. It’s a very special win for me,” ani Eala.

Hindi naman na bago para kay Eala ang manalo sa mga bigating world-class players. Matatandaang tinalo na nito sina Australian Open champion Madison Keys at dating world No. 1 at reigning Wimbledon champion Iga Swiatek sa Miami Open noong Marso.

“I’m so blessed to be the first to do this. I take so much pride in representing my country. It makes what I do bigger than myself, and it adds meaning to what I do,” ani Eala.

Hindi madali ang pinagdaanan ni Eala.

Nakalugmok ito sa 1-5 sa third set ngunit unti-unti itong dumikit gamit ang matatalim na baseline attacks para maipuwersa ang tiebreak.

Hindi na napigilan pa ni Eala na maiyak nang makuha nito ang winning point sa huling bahagi ng laro kung saan napahiga na lamang ito dahil sa saya.

“I was just so over the moon, and it was just such a rush of emotions. I think so many factors made the match so special. I’ve been on the losing side of these tight tiebreaks before, so to be on the winning side, it’s very memorable,” dagdag pa ni Eala.

Handa si Eala na gawin ang lahat upang maipagpatuloy ang ratsada nito sa US Open.

Makakaharap ni Eala ang magwawagi sa pagitan nina American Claire Liu at Moldovan-Spanish Cristina Busca.

Nagpasalamat si Eala sa mga Pilipino na nanood at sumuporta sa kanyang laban sa venue.

Tila may homecourt advantage ito dahil sa pagdagsa ng mga Pinoy na nasa New York kabilang pa ang mga dumayo ga­ling sa iba’t ibang states ng Amerika para masaksihan ang laban ni Eala.