October 1, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Kinailangan ni Alex Eala na magbanat ng buto bago maitakas ang pukpukang 6-3, 3-6, 7-5 panalo laban kay Katarzyna Kawa ng Poland upang umabante sa second round ng 2025 Suzhou Open na ginaganap sa Sungent International Tennis Center sa Yangcheng Lake Peninsula sa Suzhou, China.
Mainit ang bakbakan sa pagsisimula ng laban kung saan tabla ang iskor sa 2-2 sa first set nang maantala ang laro matapos bumuhos ang malakas na ulan sa venue.
Nagawang makapagpahinga ni Eala dahilan para makaarangkada ito ng husto sa pagbabalik ng laro para makuha ang 1-0 bentahe sa set.
Nakabalik sa porma si Kawa sa second set nang pakawalan nito ang ilang solidong serves na sinabayan pa ang ilang unforced errors ni Eala para maitabla sa 1-1 ang set at maipuwersa ang deciding third frame.
Mas lalo pang tumindi ang salpukan sa huling kanto subalit pumanig sa Pinay netter ang momento para tuluyang makuha ang panalo.
Umabot sa dalawang oras at 27 minuto ang laro.
Nagsumite si Kawa ng tatlong aces ngunit naging malaking balakid sa laban nito ang 11 na double faults.
Nalimitahan naman ni Eala ang errors nito sa service area sa tatlong double faults.
Lamang din si Eala sa first serve tangan ang 71 porsiyento habang nakakuha ito ng 7-of-14 break points.
Magandang resbak ito para kay Eala matapos matalo kay Kawa noong 2022 sa Templeton tournament sa California sa iskor na 6-2, 4-6, 0-6.
Makakasagupa ng fourth-seeded na si Eala sa second round si Greet Minnen ng Belgium na nanaig kay wild card Shi Han ng China sa pamamagitan ng 6-4, 6-0 demolisyon.
Nakalaan ang tumataginting na $1.3M kabuuang papremyo sa naturang 125-level tournament.
Target ni Eala na makalikom ng panalo upang mapaangat ang ranking nito sa WTA.
Kasalukuyang nasa No. 57 ito sa live ranking ng WTA.
