September 12, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Walang bahid ng pagod si Alex Eala nang ilampaso nito si Julia Riera ng Argentina, 6-1, 6-4, para umentra sa quarterfinals ng Sao Paulo Open na ginaganap sa Parque Villa-Lobos sa Sao Paulo, Brazil.
Galing si Eala sa kampeonato sa Guadalajara Open sa Mexico kung saan limang sunod na panalo ang naitala nito.
Si Riera ang ikaanim na sunod na biktima ni Eala sapul noong Guadalajara Open.
Ngunit sa kabila ng sunud-sunod na laban hindi makitaan ng pagod o anumang pagbagal si Eala kung saan inilabas nito ang kanyang bagsik sa umpisa pa lamang ng laban para makuha ang 4-0 bentahe.
Isang beses lamang nakaporma ang Argentine netter bago tuluyang angkinin ang first set sa loob lamang ng 33 minuto.
Sa second set, sinubukan ni Riera na makabalik sa porma matapos hablutin ang 2-1 kalamangan.
Agad naman na rumesponde si Eala para agawin ang bentahe sa 5-4.
Iyon na lamang ang nakayanan ni Riera nang tuluyan nang tapusin ng Pinay netter ang laro.
Tumagal lamang ang bakbakan ng isang oras at 17 minuto.
Nauna nang tinalo ni Eala sa first round si Yasmine Mansouri ng France sa bisa ng 6-0, 6-2 demolisyon.
Makakaharap ng world No. 61 na si Eala sa quarterfinals ang isa pang Southeast Asian na si Janice Tjen ng Indonesia.
Nakapasok sa quarterfinals si Tjen matapos ilampaso si Martina Okalova sa iskor na 6-0, 6-1.
Hindi naman na bago si Eala kay Tjen na nakikita na rin nito sa WTA Tour.
“I’m so happy to see the progress of tennis in Southeast Asia in general. I’ve known (Janice) for a long time, so I’m happy for her. I’m happy that players from this region are coming up and starting to be successful,” ani Eala sa kanyang naunang panayam.
Sa katunayan, naglaro rin si Tjen sa US Open kamakailan kung saan nagtala rin ito ng panalo sa first round laban kay 24th seed Veronika Kudermetova, 6-4, 4-6, 6-4.
Subalit natalo ito kay dating US Open champion Emma Raducanu sa second round, 2-6, 1-6.
Kaya naman inaabangan na ang salpukan nina Eala at Tjen na posible ring magharap sa 2025 Southeast Asian Games na gaganapin sa Bangkok, Thailand sa Disyembre.
