Altas humulagpos sa Red Lions sa 3OT


Russell Cadayona — Pilipino Star Ngayon

October 30, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Tinakasan ng University of Perpetual Help System DALTA ang San Beda University via triple overtime, 88-85, sa crossover eliminations ng NCAA Season 101 men’s basketball tournament kahapon sa FilOil Centre sa San Juan City.

Kumamada si ace recruit Patrick Sleat ng 23 points, 6 rebounds, 4 assists at 1 block para sa ikaapat na sunod na arangkada ng Altas at ilista ang matayog na 8-1 record sa Group A.

Ngunit sina Mark Gojo Cruz at JP Boral ang nagsalpak ng dalawang kru­syal na three-point shots sa ikatlong extra period.

“I know nananalo kami but we still have four games in the elimination, but at least may puhunan na kami,” ani coach Olsen Racela.

Sa kabila ng kabiguan ay solo pa rin ng Red Lions ang liderato sa Group B bitbit ang 6-2 kartada.

Sa unang laro, isinalpak ni Jhuniel Dela Rama ang isang jumper sa huling 3.4 segundo para sa 82-81 pag-eskapo ng San Sebastian College Letran.

Winakasan ng Stags ang kanilang five-game losing slump para sa 2-7 record sa Group A at tinapos ang limang sunod na ratsada ng Knights para sa 5-4 baraha sa Group B.

Tumipa si Dela Rama, naglaro para sa Letran Squires, ng 20 points, 7 boards, 2 assists at 2 steals para banderahan ang San Sebastian.