Alyssa Valdez may bagsik pa


MANILA, Philippines — Hindi maikakaila na malalim ang karanasan ni Creamline Cool Smashers Alyssa Valdez kaya’t isa pa rin ito sa mga inaasahan ng kanilang tropa sa mga krusyal na laro sa Premier Volleyball League (PVL).

Malaki ang naitulong ni Valdez para makuha ang pukpukang 27-25, 22-25, 25-19, 25-18 panalo laban sa Akari sa PVL On Tour na ginanap sa Vigan, Ilocos Norte.

Kumana si Valdez ng 16 puntos at 18 excellent receptions kontra sa Chargers para matamis na makuha ang ikalawang sunod na panalo sa tour.

Nauna nang dinomina ng Creamline ang Capital1 sa opening day ng tour sa iskor na 25-10, 25-21, 25-10.

Aminado si Valdez na hindi ganun kadali ang proseso.

Sumalang sa pukpukang ensayo ang Cool Smashers sa nakalipas na mga linggo para masigurong handa ang tropa sa bawat laban.

“Na-apply namin yung tine-training namin for the past three weeks. Hopefully ito lang yung start and marami pa kaming mai-improve sa amin,” ani Valdez.

Ilan ang mga nadagdag sa Cool Smashers galing sa rookie draft kabilang na si middle blocker Sheena Toring na miyembro ng UAAP champion team National University.

“Maraming bago, so sana mas marami pang mga bago and mas aabangan sa amin yung mga teams,” dagdag ni Valdez.

Magbabalik din sa Cool Smashers si playmaker Jia Morado-De Guzman suba­lit kailangan muna nitong tapusin ang kanyang mga tungkulin sa Alas Pilipinas.

Nasa Creamline na rin si setter Rhea Dimacula­ngan na magiging katuwang ni Kyle Negrito sa playmaking department.

Nagpasalamat si Valdez sa mga fans na sumuporta hindi lamang sa Cool Smashers maging sa buong PVL.

“It’s one way of reconnecting also to our roots. It’s my first time in Vigan. I’m just very, very happy and sana magtuluy-tuloy, and sana mas marami pa pong sumuporta sa bawat team sa PVL,” ani Valdez.