MANILA, Philippines — Umusad sa semifinals si Pinoy cue artist Johann Chua matapos nitong kaldagin ang kababayang si Jeffrey Prieto, 11-6 sa Round-of-8 ng Knight Shot Open na nilaro sa Impulse Snooker & Billiards Cafe, Oud Metha, Dubai, UAE, Huwebes ng madaling araw.
Makakatapat ng 33-anyos na si Chua sa semis si three-time world championship semifinalist David Alcaide ng Spain na kinalos si Mortiz Neuhausen, 11-8 ng Germany.
Bago sumampa sa quarterfinals ang 2023 World Cup of Pool champion na si Chua ay kinalos muna nito si Jonas Sauto, 10-7 ng Spain sa kanilang Race to 10 match sa winner’s qualification.
Posible sanang dalawang Pinoy ang makakapasok sa semis kaso natapat naman si Prieto kay Chua nang magkaroon ng draw mula sa winners sa loser’s bracket.
Gumapang sa loser’s bracket si Prieto, kinailangan nitong manalo ng limang beses bago sumampa sa knockout stage na last 8.
Malaki ang tsansa ni Chua na masikwat ang korona sa $52,000 prize fund tournament dahil maganda ang tinutumbok nito mula pa sa umpisa ng tournament.
May nakalaan na tumataginting na $15,000 premyo sa magka-kampeon.