Hindi napigilan ni Rey PJ Abellana na maghimutok sa mga sinabi ng mag-inang Rea Reyes at Carla Abellana sa interview nito sa YouTube channel ni Julius Babao, dalawang linggo nang nakaraan.
Nakausap namin ang aktor kahapon sa contract signing ng bagong pelikulang pinamagatang The Heart of Music na pinagbibidahan ni Gladys Reyes, kasama ang iba pang Sparkle talents na sina Angel Guardian, Kristoffer Martin, Sean Lucas, ang mag-asawang Robert Sena at Isay Alvares, at Joshua Zamora at Jopay Paguia.
Ayon kay PJ Abellana, ang side lang daw ng mag-inang Rea at Carla ang napakinggan na kung saan siya raw ang lumabas na masama.
“Medyo naging personal ang dating sa akin na may binitawan sila na against me, you know. Especially ‘yung mother ni Carla, ex-wife ko.
“Unexpected na supposedly private matters na ito. Na on my side, supposedly all this time I’ve been quiet, you know… after the separation with a mother, I’ve been really quiet until napanood ko ‘yung interview nila with Julius Babao. Ahh brutal, you know. May mga statements na binitawan na talagang against me na talagang, the way I feel sa mga binitawan statements, ‘yun bang kailangang masagot ko siya. ‘Yung point na kasiraan ko na e ang mga binitawan.
“‘Yun bang parang husgado na supposedly the best is marinig both sides, hindi lang ‘yung isang panig na makikinggan o maririnig.
“Eto ‘yung level na dapat parehong panig ‘yung maririnig, ‘yun,” saad ng aktor.
Pinanood ko tuloy ang interview sa mag-ina at sinabi ni Rea na dahil sa cheating kaya siya nakipaghiwalay.
Napangasawa raw ni Rey PJ ang babaeng naging dahilan ng kanilang paghihiwalay, pero naghiwalay rin dahil din daw sa cheating. Pangatlong asawa na raw ngayon itong kinakasama ng aktor.
Ayon kay Rey PJ, “Sa child support, sa being a cheater. It was even emphasized na I cheated with my first wife, cheat pa rin ako sa second wife ko, you know, ‘di ba?
“Ano ang alam nila sa second wife ko, e wala na sila sa picture, ‘di ba? All the while wala akong nilalabas against them.”
Noon pa man ay hindi na raw siya nagsasalita tungkol sa kanila ng ina ng kanyang mga anak. Kaya nagtataka raw siya bakit kailangan pang ibunyag ang mga ganung pribadong isyu.
May iba pa siyang kinuwento sa akin, pero nag-text muna ako kay Carla Abellana tungkol dito. Wala pa akong nakuhang sagot mula sa kanya.
Nagpasalamat na lang si Rey PJ na tuluy-tuloy ang trabaho niya.
Nagustuhan niya itong pelikulang The Heart of Music dahil sa musical ito.
Sinulat ito dinirek ni Gat Alaman under Utmost Productions.
Jillian, pinatunayan ang lakas
Ang laki pala ng nagawa ng guesting ni Jillian Ward sa Mga Batang Riles kaya lumalaban ito sa ratings, katapat ng Incognito.
Noong Miyerkules ay naka-8.5 percent ito at 7.4 percent ang Incognito.
Pero noong Huwebes ay tumaas ulit ang Incognito na naka-8.7 percent at ang Batang Riles ay 8.1 percent.
Pero ramdam nila ang lakas nito sa televiewers, dahil nagustuhan nila ang participation doon ni Jillian, at ipina-partner naman siya kay Raheel Bhyria.
Kaya mukhang tuluy-tuloy na siya sa seryeng ito.
Malapit nang matapos ang tatlong primetime series ng GMA 7, at ang nakahandang ipapalit ay ang Sang’gre at ang Sanggang Dikit.
Tingnan natin kung may ilalaban ito sa mga malalakas na action-drama ng ABS-CBN.
Ang consistent na malakas at talagang sinusubaybayan ay ang mga afternoon drama ng GMA 7.
Lalo pang lumalakas ngayon dahil malapit na rin itong magtapos.
Mauuna munang matapos ang Binibining Marikit na papalitan ng Akusada ni Andrea Torres. Pagkatapos naman ng Mommy Dearest ay papalitan ng Cruz Vs. Cruz nina Gladys Reyes at Vina Morales. Ang ipapalit naman sa pagtatapos ng Prinsesa ng City Jail ay ang My Father’s Wife nina Gabby Concepcion at Kylie Padilla.
