September 27, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Swak sa championship round si Pinay cue artist Rubilen Amit matapos kalusin ang kababayang si rising star Carmille Buhat Lumawag, 2-0 sa semifinals ng 2025 Poison Saigon Women’s 9-Ball Open na nilalaro sa Ho Chi Minh City, Vietnam, Huwebes ng gabi.
Makakalaban ni two-time women’s world champion Amit sa finals si Tzu Chien Wei ng Chinese Taipei na kinaldag si Han Yu ng China, 2-0 sa semis sa event na nakalaan ang $75,000 prize fund.
Bago sumampa sa last four ang 43-anyos at reigning WPA World 9-ball queen na si Amit at Lumawag ay pinatalsik muna nila sa quarterfinals sina Jasmin Ouschan ng Austria, 2-0 at Zhang Muyan ng China, 2-0, ayon sa pagkakasunod.
Nakasisiguro na si Amit na makapag-uuwi ng malaking premyo dahil ibubulsa ng magkakampeon ang $22,000 habang mapupunta sa second placer ang $13,125.
Samantala, humakbang si defending champion Carlo Biado sa quarterfinals matapos nitong talunin ang kapwa Pinoy na si Jonas Magpantay, 3-2 sa pahirapang laban sa last 16 ng WPA Men’s 10-Ball World Championship na ginaganap sa parehong venue sa Vietnam.