KUNG naligaw man ng landas at nakakulong, buhay pa rin ang pag-asa. Ang tinutukoy ko mga kosa ay ang livelihood at skills programs ng Bureau of Jail and Management Penology (BJMP) kung saan halos 112,000 mga preso na ang nakinabang.
Sa ilalim ng programa, sa tulong ng TESDA at civil society partners, ang mga preso ay tinuturuan ng carpentry, electronics, welding, arts at crafts at small-scale entrepreneurship upang may kakayahan silang mag-empleyo sa paglaya nila. Eh di wow! “Simple lamang ang ating mensahe. Hindi kailanman hadlang ang kawalan ng kalayaan sa pagkamit ng pangarap na makapag-tapos ng pag-aaral,” ayon kay BJMP chief Jail Director Ruel Rivera.
Sinabi ni Rivera, na ang programa ay ipinapatupad sa lahat ng BJMP sa Pinas at walang naiiwan sa mga preso. Panalo! Anong sey’ n’yo mga kosa? Hehehe! Kailangan pa bang i-memorize ‘yan?
Sinabi ni Interior Sec. Jonvic Remulla na kahit nasa likod ng rehas na bakal ang mga preso ang kanilang buhay ay magbabago sa pamamagitan ng mga programang makakatulong sa pagbalik ng kanilang dignidad, at pagbuhay ng pag-asa. Hindi lang ito tungkol sa pagkaligaw ng landas kundi sa pagiging pagdamay din.
“Ang trabaho ng BJMP is to keep the country safer, to rehabilitate, and to ensure PDLs can return as contributing members of society,: ani Remulla. “What you do matters,” ang dagdag pa niya. Ayon pa kay Remulla ang libu-libong nakinabang sa programa ng BJMP ay mga istoryang hindi dapat balewalain. “These stories are not isolated. They are proof that rehabilitation is possible, and that redemption begins the moment we invest in people’s potential, not their past,” aniya. Hehehe! Ambot sa kanding nga may bangs!
Malakas ang paniniwala ni Rivera na sa ilalim ng pangangalaga ng BJMP-magkakaroon ang mga preso ng totoong pagbabago at magdudulot ng ibayong pag-asa sa buhay. Aniya, ramdam n’ya ang tunay na istorya ng kanilang sakit, pag-asa at pagbabagong anyo ng mga preso. Eh di wow!
Isang ehemplo na ibinigay ni Rivera ay ang buhay ni Sandy Pagobo, ang PDL sa Danao City, isang single father na may tatlong anak, na nag-aral ng welding. Si Pagobo sa ngayon ay isang pipe fitter sa Al Jubail, sa Saudi Arabia. “This is all for my change, Ma’am. For my three children whom I want to finish college. That’s why I was determined to go abroad and by God’s grace, I made it,” ayon kay Pagobo sa salitang Cebuano. Hehehe! Kanya-kanyang raket ‘lang ‘yan!
Si alyas Lisa naman ay natutong gumawa ng doormats, bayong bags, dishwashing liquid, at ang pagtanim ng kung anu-anong gulay. Sa ngayon, s’ya ay nakapagpadala ng P1,000 a week sa kanyang anak na nasa Grade 12. “Akala ko dati wala na akong patutunguhan. Pero dahil sa mga livelihood programs, natuto ako ng mga kasanayan na hindi ko akalaing magagamit ko kahit nakakulong ako. Nakakatulong na ako ngayon sa anak ko kahit ganito ang sitwasyon ko,” aniya.
Si alyas Joy naman ay natutong magluto. Siya ang namamahala sa kitchen ng Balungao District Jail at tinuturuan n’ya ang kanyang mga kapwa preso. Ang pangarap ni Joy ay magtago ng maliit na karinderia sa kanyang paglaya. Ayosssss!
Marami pang magagandang kuwento itong programa ng BJMP para sa mga preso kaya lang kapos na ang espasyo ni Dipuga. Abangan!