Mahigit tatlong dekada nang aktibo si Ara Mina sa show business. Bata pa lamang ay hilig na raw ang aktres ang pag-arte. Sinundan ni Ara ang mga yapak ng inang naging artista rin noong araw. “Nagsimula ang passion ko no’ng napanood ko ang mommy ko sa Channel 9. ‘Yung movies niya black and white pa with Dolphy, FPJ (Fernando Poe, Jr.), Erap (Joseph Estrada). Venus Imperial (ang screen name niya), may 2-year movie contract siya pagkapanalo niya ng Mutya ng Pasig. Tinapos lang niya ‘yung contract and after that, hindi na siya nag-artista. Do’n nag-start ‘yung sabi nila, ‘Dapat mag-artista ka rin tulad ng mommy mo.’ So ‘yon ang sabi ng mga relatives ko. Kung ano ‘yung nakikita ko sa TV, gagayahin ko sa salamin, tapos iiyak ako. Sikat ako sa pamilya namin na baliw-baliwan, na Sisa. May luhod-luhod pa ako sa floor,” natatawang kwento sa amin ni Ara sa Fast Talk with Boy Abunda.
Taong 2021 nang magpakasal sina Ara at Dave Almarinez. Maayos na maayos ang relasyon ng mag-asawa kapiling ang kanya-kanyang mga anak. Maglalabing-isang taong gulang na ang babaeng anak ng aktres kay Patrick Meneses na si Mandy. Malalaki na rin ang mga anak ni Dave sa dati nitong asawa. “Okay kami, si Kirsten kapag umuuwi siya, she’s studying abroad eh, close sila ni Mandy. Kapag umuuwi si Kirsten, I can feel her love. Then I met Dave’s (ex) wife, okay din kami. One New Year celebration, do’n kami nag-celebrate sa bahay nina Patrick with Dave,” pagbabahagi ng aktres.
Katuwang ni Ara ang dating nobyo sa pagpapalaki sa nag-iisa nilang anak. Madalas na nagkakausap ang aktres at si Patrick para sa kapakanan ni Mandy. “Okay ako na hindi ako istrikta (bilang nanay). Co-parenting kami (ni Patrick), kapag meron kaming kailangan sa school, mag-uusap kami. Kunyari hindi ako pwede, ‘Can you attend?’ Or ‘pag siya, ako. Kailangan basta isa sa amin, kasama ng anak. Minsan, sabay naman talaga kami kapag parent-teacher day. Finances, sharing din kami. Kunyari like sa driver, hati kami, driver ni Mandy. Tapos allowance naman, siyempre ‘yung ibang needs ni Mandy, ako na. Then sa tuition naman, sila,” pagtatapat niya.
Nagpaplano na sina Ara at Dave ngayon na magkaanak. Gusto ng aktres na magkaroon ng lalaking supling. “’Yon na nga eh, kailangan kong i-check sa OB ko. Hindi pa ako nagpa-check eh. Actually, I want a baby boy,” giit ni Ara.
Samantala, may bulung-blungan na nagkahiwalay na diumano ang kapatid ni Ara na si Cristine Reyes at Marco Gumabao. Nakasuporta si Ara sa pinagdaraanan ngayon ng nakababatang kapatid. “Siyempre kung ano ang alam ko, it stays with me. I am not the right person (na tanungin) kung ano ang real score. Si Cristine, she’s mature enough. Basta ang masasabi ko lang sa kanya, nandito lang kaming family. She knows naman na nandito rin ako for her. I think she knows what she’s doing. And nagko-confide din naman siya sa akin. Sinasabi ko kung ano ang opinion ko and sinasabi ko sa kanya, ‘Ikaw pa rin ang magde-decide kung ano ang nasa puso mo. Basta kung saan ka masaya, nakasuporta kami ng family. Naniniwala ako kung kayo para sa isa’t isa, kayo. At the end of the day magiging magkaibigan pa rin kayo if hindi man naging kayo.’ And si Cristine, matanda na siya. She knows what she’s doing na. She’s okay, she’s doing fine,” paglalahad ng aktres. — Reports from JCC
