Arellano kinaldag ng CSB | Pilipino Star Ngayon


MANILA, Philippines — Pinatigas ng defen­ding champion College of Saint Benilde ang pagkapit sa No. 2 spot sa team stan­dings matapos nilang sugpuin sa tatlong sets ang Arellano University, 25-18, 31-29, 25-16 sa NCAA Season 100 women’s volleyball tournament na nilaro sa FilOil EcoOil Arena sa San Juan, kahapon.

Nagsabwatan sa opensa sina Zamantha Nolasco, Shahanna Rheign Lleses at Francis Mycah Go para tulungan ang Lady Blazers na ilista ang 11-2 card at manatiling malakas pa rin sa asam na makakuha ng twice-to-beat incentive sa semifinals.

Tumikada si Nolasco ng 15 points mula sa 13 attacks at dalawang blocks, 14 ang binakas ni Lleses kasama ang 12 kills at dalawang service aces habang 13 ang kinana ni Go.

Umiskor si Tudlasan ng 12 points habang tig-pito ang nilista nina Marianne Lei Angelique Padillon at Pauline De Guzman para sa Lady Chiefs na nalasap ang pang-limang kabiguan sa 14 na salang.

Tiyak na ibubuhos ulit ng Lady Blazers ang kanilang lakas upang makuha ang panalo sa San Beda University pagharap nila sa Mayo 16 at para na rin hindi masyadong maka-alagwa sa unahan ang Letran na may 12-2 baraha matapos magwagi sa  San Sebastian College-Recoletos, 25-21, 25-22, 25-23 sa unang laro.