Arjo at Maine, wala sa agenda ang anak


Sa mga interbyuhan namin sa celebrity parents, isyu pa rin ‘yung pagbibigay ng privacy sa kanilang mga anak, lalo na kung bata pa ito.

Ito rin ang napag-usapan namin ng masayang lola na si Sylvia Sanchez tungkol sa kanyang first apo kina Ria Atayde at Zanjoe Marudo na si Sabino.

Nirerespeto raw niya at naiintindihan kung bakit ayaw ng mag-asawang Zanjoe at Ria na ipakita ang mukha ng kanilang anak.

Kaya kapag ipino-post daw niya sa kanyang social media account ang kanyang apo, pinapa-approve raw muna niya kina Ria at Zanjoe.

Agree rin naman daw siya sa desisyon ng celebrity parents na huwag nang ipakita dahil pati mga bata ay naba-bash na ngayon. “Naiintindihan ko ‘yun, kasi marami ang nagsasabing bakit ang arte na hindi ipapakita. Kasi po, namba-bash kayo. Pati bata, inosente pinagba-bash nyo.

“Ang dami nang bastos ngayon. Sorry, diretsahan. Na pati bata, binabastos, bina-bash.

“Pero siyempre ikaw din na magulang ka, maaano ka talaga, mapapaaway ka. So, sabi nga nila, kesa mapaaway, huwag na lang. Amin ‘yun e. Irespeto natin ‘yun.

“Pero isa lang po ang sasabihin ko sa inyo. Napakaguwapo ng apo ko. Naman! Naman! Naman! Pinaghalong Ria, pinaghalong Zanjoe,” pagmamalaki ni Sylvia.

May alok nga raw na commercial sa bagets, pero hindi ito tinanggap ng mag-asawa para manatiling private ang kanilang anak.

“Ay oo! May offer ‘yung bata, inofferan ‘yung bata. Pero, sa kanila ‘yun. Kung ayaw, e irespeto natin ‘yun,” sabi pa ni Sylvia.

Samantala, ayaw pa munang umasa ni Sylvia na magkaapo kina Cong. Arjo Atayde at Maine Mendoza, dahil ayaw raw muna nila sa ngayon.“Kasi gusto nila na i-enjoy muna ‘yung buhay nila. Like si Arjo, ang sabi niya, ‘Mom, ayusin ko muna ‘yung dapat kong ayusin, saka kami mag-anak. Okay bahala kayo. So, hindi na namin pinag-usapan.

“Huwag muna sa ngayon. Pero hindi ko alam kung kailan. Basta sinasabi nila, two years, two years, e di next year meron na. Hopefully… ‘di ba? Basta binigay ko sa kanila ‘yun,” saad ni Sylvia.

Aligaga muna ngayon ang premyadong aktres sa production ng Nathan Studios.

Sinimulan na nila ang pelikulang I’m Perfect na balak nilang i-submit sa Metro Manila Film Festival.

Pagkatapos ng expe­rience niya sa Cannes International Film Festival, umaasa silang makakabalik sila roon na may lokal movie silang isasali.

Co-producer sila ni Alemberg Ang sa isang Japanese film na Renoir na talagang pinuri roon.

May mga gagawin sila na hopefully pasok sa Cannes.

“Hindi ako nagkamali na mag-trust kay Alem, sa grupo. Sana, hoping na susunod. Next year, meron na naman kami for next year,” pakli ni Sylvia.

Nakitaan daw kasi ni Alemberg Ang si Sylvia na talagang purisigidong mamuhunan sa mga pelikulang pang-international filmfest kagaya ng Cannes.

Ani Alemberg, “Nung nakikita ko siya, seryoso pala. Naghahanap ng pelikula at gusto talaga mag-produce.

“Marami na kasing lumapit sa akin before. ‘Yung mga business people. Eh hindi ganun kadali mag-produce ng pelikula na papasok sa Cannes. Hindi siya basta-basta.

“Nung nakita ko na seryoso… kasi by then, ginawa nga niya ‘yung Topakk na nag-Locarno. Eh ako nga, hindi pa nagkaroon ng film na pupunta ng Locarno e.

“So, napabilib ako, tapos dinistribute nila ‘yung Monster na nanalong Best Script sa Cannes, na Japanese film din. Ah okay. So, seryoso talaga.

“Every time na may naririnig ako na film na may possibility na mag-Cannes, tinatanong ko siya kung gusto niya.”

Kaya nandiyan talaga ang target ng Nathan Studios na rarampa uli sa red carpet sa susunod na Cannes International Film Festival.

Gabby, may opinyon sa mga batang itinatago ng celebrity parents

Tungkol pa rin sa privacy ng mga anak ng celebrities, umayon si Gabby Eigenmann sa ginawang pagsita ni Jake Ejercito sa isang content creator na kinunan ng video si Ellie at ipinost.

Hindi kumportable si Ellie sa kuhang ‘yun, kaya sabi ni Gabby, tama naman daw ‘yung ginawa ni Jake.

“That was the right thing to do. I cannot disagree more,” bulalas ni Gabby nang makatsikahan namin sa media conference ng Encantadia Chronicles: Sang’gre na magsisimula na sa June 16. “Pero ‘pag may mga ganyan na nangyari sa akin, I would do the same,” sabi pa ng Kapuso actor.

Pero may ibang pananaw naman si Gabby sa celebrity parents na itinatago ang mukha ng kanilang anak sa socmed postings nito.

Ani Gabby, “Naintindihan ko sila. But there’s always a way na… may iba kasi…ako, sa akin lang ‘to, huwag ka na mag-post.

“Kasi it defeats the purpose of posting, alam mo ‘yun. Pero choice mo pa rin ‘yun e. Kumbaga, ‘yun ang diskarte nila, ‘yun ang gusto nila. Wala akong right na makialam dun.

“Pero ako ‘yung sa akin, ‘pag nakikita kong may ganun, (napakibit-balikat). Parang… what’s the post for? Alam mo ‘yun. Kung i-cover din ‘di ba? Huwag na lang.

“If you wanna stay private, leave it private.”