September 13, 2025 | 12:00am
Nakaramdam ng pangamba si Kris Bernal sa kanyang pagbabalik sa trabaho. Matatandaang pansamantalang tumigil ang aktres sa pag-arte mula nang mag-asawa at nagkaroon ng anak. Mamayang gabi ay magbibida si Kris sa episode ng Magpakailanman na may titulong Ang Babaeng Di Na Natuto.
“Sobrang kabado talaga ako kasi ang tagal kong hindi umarte, at ang tagal kong hindi umarte na iyak buong araw. Kasi ang last show ko kontrabida ako eh. So ngayon lang ulit ako naging api-apihan, kawawa,” pahayag ni Kris sa 24 Oras.
Suportado raw ng mister na si Perry Choi ang pagbabalik sa show business ng Kapuso actress. Halos dalawang dekada na ngayon sa industriya si Kris.
“Dito kasi ako lumaki, imagine 18 years na ako sa showbiz. Tapos biglang parang ang hirap lang bitawan at saka ‘yung pag-arte talaga ‘yung pinanghahawakan ko, nami-miss ko nang umarte,” giit niya.
Ayon kay Kris ay talagang nagbakasyon muna silang pamilya ng isang buwan sa Amerika bago pa muling sumabak sa trabaho. “Family time talaga, as in kasi bago ako pumirma sa Sparkle talagang sabi ko magbabakasyon muna ako. Kasi baka magsunud-sunod na,” paglalahad ng aktres.
Sa pagpasok ng 2026 ay nakatakdang lumipat ni Kris sa bagong bahay na ipinapagawa na nilang mag-asawa ngayon. Masayang-masaya ang aktres dahil matatapos na ang kanyang pinapangarap na bahay.
“First quarter of 2026 makakalipat na kami. Dream house ko talaga, si Perry parang oo na lang nang oo sa gusto ko. ‘Sige, ‘yan ang gusto mo, ilagay natin. Gusto mo ng ganyan, ilagay natin ‘yan.’ Talagang kung ano ‘yung gusto ko, go lang siya nang go,” nakangiting pagbabahagi ng Kapuso actress.
Brent, naka-relate sa libro ni Mika
Napahanga si Brent Manalo sa kapwa-Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition Big Winner na si Mika Salamanca dahil sa talento ng dalaga sa pagsusulat ng kwento. Kamakailan ay nailunsad na sa publiko ang children’s book na isinulat ni Mika na Lipad.
“No’ng binabasa ko ‘yung libro, parang si Mika ‘yung nai-imagine ko do’n sa character. Kaya ang galing, it’s beautifully written. It’s really about her. Kahit na it’s about her, you can really resonate with it kaya ang ganda,” nakangiting pahayag ni Brent.
Parehong mahilig mag-alaga ng hayop sina Mika at Brent. Nakilala na rin daw ng aktor ang pets ni Mika.
“Na-meet ko na si Molly, ‘yung dog niya at saka ‘yung cats niya na-meet ko na din. Ang saya kasi dati pinag-uusapan lang namin (sa PBB). ‘Yung dog ko hindi ko pa nami-meet kasi nasa province ngayon dahil family ko muna nag-aalaga, since mag-isa lang ako sa condo. Pareho kaming fur parent. Sabi nga namin ido-dog date namin sila,” kwento ng binata.
(Reports from JCC)
