Hanggang kahapon ay trending pa rin sa X ang first eviction sa Pinoy Big Brother Celebrity Collab.
Ang duo nina AC Bonifacio at Ashley Ortega ang unang pinalabas sa Bahay Ni Kuya, at sobrang apektado ang lahat.
Ang tagal bago nahimasmasan ang mga housemate nang lumabas na ang dalawa.
Ang tagal ng iyakan nila sa loob ng Bahay Ni Kuya, at sabi nga ng mga host, talagang roller coaster of emotions, dahil marami ang napasaya nang isinalba ng mga boto ng supporters ang duo nina Ralph de Leon at Michael Sager, at ang kina Will Ashley at River Joseph.
Nakikita talaga sa mga housemate ang sobrang closeness nila, kaya interesting talaga sila subaybayan.
Paglabas nilang dalawa, si Mavy Legaspi at Alexa Ilacad ang nakita naming apektado nang husto.
Ewan ko kung close sina Alexa at AC, pero si Mavy ay nalungkot sa maagang paglabas ng girlfriend niyang si Ashley.
Nag-post si Mavy kahapon ng kanyang mensahe para sa kanyang girlfriend.
Sabi nito sa kanyang Instagram account, “I am so happy the people got to know you better…and they love you! Welcome back to the outside world honey bunny!”
Ipinost na rin ni Mavy na nag-trending si Ashley sa X. Hanggang kahapon ay trending pa rin siya at obvious na dumami ang fans niya.
May ilang fans din si AC, pero tila mas dumami ang kay Ashley.
Karamihan nga sa post ay sinisisi si AC kung bakit na-evict si Ashley.
Nagpasalamat din ang fans kina Dustin, Esnyr, Josh at Klarisse dahil sila lang daw ang hindi nag-nominate sa duo nina Ashley at AC.
Nasa X din kahapon ay nagpasalamat si Ashley sa lahat na sumuporta sa kanya.
Bahagi ng kanyang video message na kuha sa labas ng Bahay Ni Kuya, “Hindi ko po alam kung ano ang mararamdaman ko ngayon. I’m super overwhelmed. Pero I’ll make time to reply to everyone kung kaya.
“Ang kaya ko lang masasabi ngayon ay salamat po talaga.
“Kailangan ko muna i-process lahat na nangyari. Kasi wala pa akong alam e. Thank so much for all the love and support. And I hope I get to inspire a lot of people.”
Ipinasok na si Michelle Dee bilang houseguest at may dalawa pang idinagdag na housemates.
Mas marami pang kaganapan sa loob ng Bahay Ni Kuya, at patuloy na nagte-trending.
Nagsimula na rin ang Pilipinas Got Talent nung gabing ‘yun, at nag-trending din dahil may Kathryn Bernardo at Donny Pangilinan na judges. Pero mas pinag-usapan pa rin ang PBB Celebrity Collab.
KimPau, pinilahan sa Amerika
Sabi sa press release ng Star Cinema, “Kumita ng PhP40 milyon ang ‘My Love Will Make You Disappear’ sa loob ng apat na araw.”
Kung naka-P12M ang first day nila, ibig sabihin lalo pa itong lumakas sa weekend.
Pero nung tsinek sa second day nito sa mga sinehan, naka-P7M lang ito.
Maaaring lumakas noong weekend dahil marami pang nagpa-block screening.
Nag-showing na rin sa ibang bansa, at sabi nga ng kaibigan namin sa Los Angeles, California, marami raw nanood doon ng naturang pelikula.
Sana nga magtuluy-tuloy ang lakas nito para mapansin ang iba pang local film na magso-showing.
Sa April 2 na ang showing ng Sinagtala na karamihan naman ay mga Kapuso star ang bida, na sina Glaiza de Castro, Rhian Ramos, Rayver Cruz at Matt Lozano.
Si Arci Muñoz lang ang Kapamilya star na galing din naman sa GMA 7.
Pero kampante ang direktor nito na si Mike Sandejas dahil naniniwala siyang may lakas sa takilya ang mga bidang artista.
