Pilipino Star Ngayon
September 2, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Ipinamalas ng Rising stars na sina Graziella Sophia Ato at Alexander Lawrence Chua ang kanilang matikas na paglangoy sa 2025 Philippine Aquatics, Inc. (PAI) National Tryouts Open Water Swimming Championships na ginanap nitong weekend sa Playa Tropical Resort sa Currimao, Ilocos Norte.
Nilangoy ng 15-anyos na si Ato, tubong Raois, Vigan, Ilocos Sur at isang Grade 11 student sa Great Heights Learning Center, ang 10,000-meter race sa girls’ division sa tiyempong 2:54.02 segundo sapat para igupo sina Jade Corrine Cruz ng Ilustre East Swim Club (2:54:41.40) at Jie Angela Talosig ng Midsayap Pirates (2:57:04.74).
Sa men’s division, inangkin ng 21-anyos na si Chua ng All-Star Swim Club ang gintong medalya sa isinumiteng oras na 2:19:04.11.
Naungusan niya sina Joshua Rafael Del Rio (2:19:09.13) at Palarong Pambansa standout Paolo Labanon ng Ayala Harpoon Swim Club (2:19:45.91).
Ayon kay PAI Secretary General Eric Buhain, na personal na nangasiwa sa kompetisyon, awtomatikong nakakuha ng puwesto ang top two finishers sa bawat kategorya sa national team para sa 33rd Southeast Asian Games (SEA Games) sa Bangkok, Thailand ngayong Disyembre.
“Ipinaabot namin ang aming pasasalamat sa lahat ng aming mga batang aspirante. Ang inyong pakikilahok ay isang patunay ng pagtitiwala sa organisasyon,” sabi ni Buhain. “Sa mga nanalo at SEA Games qualifiers, congratulations sa inyong pagkapanalo. May tatlong buwan pa bago ang SEA Games, may oras pa tayo para magsanay at maghanda.”
Dahil sa pagkapanalo ni Ato, siya rin ang naging pangalawang teenage sensation na sumali sa national team lineup para sa Bangkok.
Matatandaang noong nakaraang linggo, nag-qualify ang kapwa 15-anyos na si Kyla Bulaga ng Ilocos Norte matapos lampasan ang standard sa 400-meter Individual Medley.
Si Ato, isa nang decorated swimmer, ay dati nang nakakuha ng bronze medals sa 800m Freestyle sa 2025 Palarong Pambansa at sa 400m at 800m Freestyle sa PAI SEA Games Tryouts.
Kinatawan din niya ang Pilipinas sa Asia Aquatics Open Water Swimming Championships noong nakaraang taon sa Hong Kong.
