HINDI inaasahan ng isang babae sa Thailand na magiging mapanganib ang simpleng pagkain ng isda matapos lumabas sa kanyang leeg ang tinik na kanyang nalunok.
Ayon sa kuwento ng kanyang asawa sa social media, dalawang linggo na ang nakalilipas nang hindi sinasadyang malunok ng babae ang maliit na tinik habang kumakain ng isda.
Sinubukan nilang tanggalin ang tinik gamit ang mga karaniwang paraan gaya ng paglunok ng kanin at saging pero hindi ito umubra.
Pakiramdam umano ng babae ay nakadikit sa lalamunan ang tinik.
Nagpunta sila sa ospital at nagpa-X-ray, pero walang nakitang tinik ang doktor.
Habang tumatagal, namaga at sumakit ang leeg ng babae.
Sa kalagitnaan ng kanyang paghihilom, napansin niyang may matigas at matulis na bagay na unti-unting lumalabas sa balat ng kanyang leeg.
Nang tuluyang lumitaw ang dulo ng tinik, agad silang bumalik sa ospital at maingat itong tinanggal ng mga doktor.
Ayon sa mga doktor, bihira ang ganitong kaso kung saan ang tinik ay gumapang palabas ng katawan.
Muling nagpaalala ang mag-asawa sa publiko na maging maingat sa pagkain ng isda at huwag balewalain ang anumang kakaibang nararamdaman pagkatapos makalunok ng tinik.