Babae na pinagsasaksak nang maraming beses, nakaligtas dahil sa kanyang niretokeng dibdib!


ISANG babae sa China ang himalang nakaligtas matapos saksakin ng 22 beses sa dibdib sa tulong ng kanyang silicone breast implants!

Ang insidente ay naganap noong Mayo 22 sa isang shopping mall sa South Eastern China.

Ayon sa ulat, ang 30-anyos na biktima ay sapilitang pinasok sa kanyang sasakyan ng suspek habang nasa parking area. Tinutukan siya ng kutsilyo at pinilit na magmaneho patungo sa kalapit na bayan.

Habang nasa biyahe, pinilit siya ng suspek na kumalap ng pera mula sa mga kakilala gamit ang kanyang cell phone. Sumunod ang biktima sa utos ng suspek para na rin ma­kapagpadala siya ng lihim na text sa kanyang boyfriend.

Sa tulong ng boyfriend, ipina-trace nito ang GPS location ng biktima sa tulong ng mga pulis.

Subalit pagdating ng mga pulis, biglang pinagsasaksak ng suspek sa dibdib ang biktima bago nito sinaksak ang sarili na naging dahilan nang agarang pagkamatay ng suspek.

Himalang nakaligtas ang biktima at ayon sa mga doktor, iisang saksak lamang ang tumama sa kanyang baga.

“Sumailalim ako sa breast augmentation surgery noon, at hinarang ng silicone implant ang sana’y nakamamatay na mga saksak,” pahayag ng biktima.

Bagama’t nakalabas na ng ospital, ipinahayag ng biktima ang kanyang pagkadismaya dahil isinara na ng mga awto­ridad ang kaso kasunod ng pagkamatay ng suspek.

Aniya, pakiramdam niya ay wala siyang magawa dahil basta na lang isinara ang kaso niya laban sa suspek.

Ang kaso ay umani ng mga diskusyon online, kung saan nagpahayag ang mga Chinese netizens ng pagkamangha sa hindi inaasahang benepisyo ng breast augmentation, habang ang iba naman ay nanawagan para sa mas mahigpit na seguridad sa mga pampublikong lugar at mas maayos na sistema ng hustisya para sa mga biktima.