ISANG babae sa Yunnan Province, China ang naging usap-usapan online matapos niyang ibahagi ang matinding pagbabago sa kanyang katawan at mukha habang nagdadalantao.
Si Li Wei, isang residente ng Kunming, ay nagsabing masigla at maganda pa raw ang kanyang pakiramdam noong mga unang buwan ng pagbubuntis. Kuminis ang kanyang balat at naging mas energetic ang kanyang katawan.
Ayon sa mga doktor, tinatawag itong “pregnancy glow” na dulot ng pagtaas ng estrogen at progesterone.
Ngunit pagsapit ng ikalimang buwan, nagsimula na ang mga hindi inaasahang pagbabago. Lumaki ang kanyang ilong, naging mas malalim ang kanyang mga kulubot, at halos hindi na niya makilala ang sarili sa salamin.
Sa mga sumunod na buwan, lumabas din ang mga “pregnancy spots” o mga tila pekas sa pisngi, namaga ang kanyang mga braso at binti, at unti-unting nagbago ang kondisyon ng kanyang kutis.
Bagama’t tiniyak ng mga doktor na normal ang lahat ng ito, pinili ni Li na baguhin ang kanyang mga kinakain kung saan umiwas siya sa matatamis at ma-cholesterol. Nag-ehersisyo rin siya para mapagaan ang epekto ng kanyang pagbubuntis.
Pagkatapos manganak, naranasan naman niya ang pagnipis ng buhok na tinatawag na “postpartum hair loss,” at nagbago rin ang kanyang kutis sa kanyang mukha mula sa pagiging oily tungo sa pagiging dry.
Sa kabila ng lahat ng ito, pinilit ni Li Wei na panatilihing malusog ang kanyang katawan sa pamamagitan ng tamang pagkain at regular na ehersisyo.
Makalipas ang ilang buwan, unti-unti rin siyang bumalik sa kanyang dating hitsura.
“Napakahirap ng pagbubuntis ko, pero naging worth it ang lahat ng iyon nang makita ko ang anak ko,” ani Li sa kanyang viral post sa Weibo, isang sikat na social media platform sa China, kung saan ibinahagi niya ang kanyang before-and-after photos kasama ang kanyang sanggol.
Payo ng mga eksperto sa mga buntis, huwag mag-panic sa ganitong mga pagbabago. Sa halip, panatilihin ang positibong pananaw at healthy lifestyle upang mapangalagaan ang mental and physical health.