October 4, 2025 | 12:00am
ISANG babae sa Florida, USA ang inaresto matapos nakawin ang isang motorized shopping cart ng isang supermarket para imaneho ito sa Airport Road sa Punta Gorda, Florida.
Ayon sa Charlotte County Sheriff’s Office, rumesponde ang mga deputy sa Publix, isang supermarket. Kinausap ng mga deputy ang store manager, na nagsabing isang babae ang pumasok sa kanilang establishment at nagnakaw ng motorized shopping cart, at nakitang minamaneho ito sa isang pampublikong kalsada.
Sinundan ng mga deputy ang babae, na kinilala bilang si Robin Zick, 42-anyos. Nahuli siya sa isang gas station, halos isang milya ang layo mula sa Publix. Ayon sa tagapagsalita ng Publix, ang motorized cart ay nagkakahalaga ng $2,500 (humigit-kumulang ?147,000).
Dumating ang emergency medical services sa pinangyarihan dahil sa tawag na ginawa ni Zick bago pa man siya mahuli ng mga deputy.
Kinuwestiyon ng mga deputy si Zick, na nagsabing kinuha niya ang motorized shopping cart upang pumunta sa isang medical appointment niya.
Sinabi niya sa mga deputy na plano niyang imaneho ang cart papunta sa klinika kung saan siya may appointment pero ibalik naman daw niya diumano ito sa Publix pagkatapos.
Dinala si Zick sa ospital para sa karagdagang pagsusuri. Matapos siyang ilabas sa ospital, inaresto ng mga deputy si Zick. Nahaharap si Zick sa kasong grand theft.