Back-2-back titles puntirya ng PLDT


Russell Cadayona — Pilipino Star Ngayon

August 31, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Matapos pagreynahan ang nakaraang 2025 Premier Volleyball League (PVL) on Tour ay ang Invitational Conference naman ang isusunod ng PLDT.

Sasagupain ng High Speed Hitters ang guest team Kobe Shinwa University ngayong alas-6:30 ng gabi sa one-game championship sa Smart Araneta Coliseum.

Sumasakay ang PLDT sa isang 12-game winning streak kasama ang pagkopo sa PVL  on Tour crown laban sa Chery Tiggo.

“Added motivation na lang na galing kami sa championship,” ani High Speed Hitters coach Rald Ricafort. “This time, maha­laga rin ‘yung pag-manage ng katawan at makalaro kami ng Sunday na mabawasan nang konti ‘yung pagod.”

Winalis ng tropa ni Ricafort ang KSU, 25-20, 25-22, 25-23, sa una nilang pagtutuos.

“Wala naman na sa amin na kaka-champion lang namin. Talagang ite-take pa rin namin as a new challenge itong finals this Sunday,” dagdag ni Ricafort na unang iginiya ang Petro Gazz sa PVL Reinforced Conference title noong 2022.

Muling aasahan ng High Speed Hitters sina Fil-Canadian Savi Davison, PVL on Tour Finals MVP Mika Reyes, Kim Kianna Dy, Majoy Baron, rookie Alleiah Malaluan at setter Kim Fajardo.

Itatapat ng KSU sina Nagisa Komatsuda, Arisu Ishikawa, Reira Miyazaki, Yuia Yamano at setter Sakura Furuta.

Nagpaputok si Komatsuda ng 31 points sa 21-25, 17-25, 26-24, 25-22, 15-6 reverse sweep ng Japanese collegiate team sa Crossovers noong Biyernes papasok sa PVL finals.

Sa unang laro sa alas-4 ng hapon ay paglalabanan ng Creamline at Chery Tiggo ang bronze medal.

Nanalo rin ng tanso ang Cool Smashers sa nakaraang PVL on Tour nang talunin ang Cignal HD Spikers.