Back-to-back wins pakay ng Mapua sa Beda


Russell Cadayona — Pilipino Star Ngayon

October 17, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Pupuntiryahin ng nagdedepensang Mapua University ang ikala­wang sunod na panalo sa pagsagupa sa San Beda University sa crossover eliminations ng NCAA Season 101 men’s basketball tournament sa FilOil Centre sa San Juan City.

Lalabanan ng Cardinals ang Red Lions ngayong alas-2:30 ng hapon matapos ang upakan ng Arellano Chiefs at Emilio Aguinaldo College Gene­rals sa alas-12 ng tanghali.

Bumabandera sa Group A ang University of Perpetual Help System DALTA tangan ang 4-1 baraha sa itaas ng Mapua (3-1), Arellano (2-2), San Sebastian (1-4) at Lyceum (0-4).

Tabla sa liderato sa Group B ang Season 100 runner-up College of St. Benilde at San Beda sa pareho nilang 4-1 marka kasunod ang Jose Rizal (3-2), Letran (2-3) at EAC (1-3).

Dinagit ng Cardinals ang Stags, 70-49, kung saan umiskor lamang si reigning MVP Clint Escamis ng apat na puntos mula sa malamyang 1-of-6 field goal shooting.

Ngunit nagtala siya ng limang rebounds, pitong assists at dalawang steals.

“Sabi ko nga wala naman na siyang patutu­nayan. Mas kailangan niya ito na maging all-around player. So ito siguro ‘yung talagang pinaghahandaan niya going to professional,” ani coach Randy Alcantara kay Escamis.

Nilapa naman ng Red Lions ang Generals, 81-64, tampok ang 14 points ni Fil-Am guard Janti Miller.