Bahay ni Duterte sa Davao City for sale na


MANILA, Philippines — Ipinagbibili na ang bahay ni dating pangulong Rodrigo Duterte sa Davao City, ayon sa kanyang common-law wife na si Honeylet Avanceña at anak na si Veronica.

Sinabi ni Honeylet na matagal nang hindi nagagamit at bakante ang nasabing bahay.

“Masakit sa dibdib ko every time I go inside. Ako na lang ang pumapasok diyan. May apat na katulong pero walang amo. We abandoned it after what happened,” pahayag ni Honeylet.

Ipinunto rin ni Honeylet ang isyu ng seguridad mula sa kanilang mga abogado na sinabihan sila na maglagay ng mga CCTV kahit pa sa loob ng kanilang bedroom.

Hindi aniya siya komportable dito dahil sa mga CCTV kahit sa silid tulugan.

Ginamit naman ni Kitty ang kanyang Facebook sa pagpo-post tungkol sa ipinagbibili nilang bahay.

“For sale Duterte family house” ani Kitty.

Kinontra naman ni Vice President Sara Duterte ang nais ni Honeylet na ibenta ang bahay na nasa Doña Luisa Subdivision.

“Para makita ng mga tao kung saan nakatira ang dating pangulo, kung saan siya natulog o kumain,” ani VP Sara.

Samantala, inire­reklamo naman umano ng mga lokal na residente ang ingay at ang duming iniiwan ng mga Duterte supporters na nagsasagawa ng vigil buhat ng dalhin sa The Hague ang dating lider.

Inirereklamo rin umano ng mga kapitbahay ang mabahong amoy na nagmumula sa mga dumi ng mga nagpupuyat sa harapan ng Duterte House.

Hindi rin tiyak kung magkano ibinebenta ang bahay.

Kasalukuyang nakakulong sa The Hague ang dating pangulo dahil sa kinakaharap na crime against humanity sa International Criminal Court (ICC).