Bamboo planting project sa South Cotabato, palalawakin


COTABATO CITY, Philippines — Nais ng mga sektor sa Central Mindanao at mga local executives sa rehiyon na tularan ng iba pang mga pribadong kumpanya at mga local government units ang Bamboo Development Program (BDP) ng pribadong Sagittarius Mines Incorporated (SMI) sa mga upland areas sa Tampakan, South Cotabato.

Sa hiwalay na ulat ng mga local executives sa Region 12 at sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, ang SMI ay nakapagtanim na noong 2023 ng 600 bamboo seedlings sa Sitio Kampo Kilot sa Barangay Pulabato sa Tampakan, na may 100 percent survival rate, base sa actual survey ng mga kawani ng kumpanya at mga environment-protection advocates.

Hindi bababa sa 90 percent naman ang survival rate ng mga bamboo seedlings na ipinatanim ng SMI sa 21-ektar­yang lupain sa mga matataas na lugar sa Sitio S’bangayo, ­Barangay Tablu sa Tampakan noong 2024. Karagdagang 14 ektarya pang mga bakanteng lupain sa naturang lugar din ang tinaniman ng mga kawani ng SMI ng mga seedlings ng kawayan nitong huling bahagi ng 2025.

Ang BDP ng SMI, na may hiwalay na malawak at nagpapatuloy din na forest tree planting projects sa Tampakan at sa mga bayan ng Columbio sa Sultan Kudarat, sa Malungon sa Sarangani at sa Kiblawan sa Davao del Sur, ay naka-align sa mga environment-protection policies ng DENR at ng Mines and Geosciences Bureau.

Nagpahayag nitong Linggo ng suporta sa bamboo propagation activities ng SMI si Cotabato Gov. Emmylou Taliño-Mendoza, presiding chairperson ng influential na multi-sector Regional Development Council 12, na sakop ang mga probinsya ng Cotabato, Sultan Kudarat, South Cotabato at Sarangani at ang mga lungsod ng Kidapawan, Tacurong, Koronadal at General Santos.