Baron Geisler, nadiskubre ang totoong lakas


SHOW-MY — Salve V. Asis — Pilipino Star Ngayon

October 11, 2025 | 12:00am

Hatid ng Studio Three Sixty production ang action-dramang pagbibidahan ni Baron Geisler, na Delivery Rider, kasama sina Euwenn Mikaell at Jake Cuenca, at mula sa direksyon ni Direk Lester Pimentel Ong.

Ang Delivery Rider ay kwentong tungkol sa isang delivery rider na nasa autism spectrum na magdadala ng kwentong puno ng aksyon.

Bilang si Santo na ginampanan ni Baron Geisler, ang kanyang karakter ay isang delivery rider na marunong sa martial arts at nirerepresenta ang mga may functional autism na nagsisikap para sa kalayaan at pagtanggap. Hango rin ito mula sa mga tunay na fighters na nasa spectrum tulad nina Nathias “Notorious” Frederick at Serene De Jesus, na patuloy na nag-e-excel bilang MMA practitioners.

“We made this film with respect, care, and love. Hindi siya caricature or stereotype. It’s real, it’s grounded, and for us, it’s a love letter, a gift to parents, to people, and most especially sa mga under the spectrum,” pagbahagi ni Baron tungkol sa pelikula.

Bagama’t may kakayahan ang kanyang karakter na lumaban, pinipili ni Santo na umiwas sa karahasan—ngunit sinusubok ang kanyang paninindigan nang madawit siya sa mga kriminal habang nasa isang delivery.

Dagdag pa niya, “Ang natutunan ko naman sa character ko, kay Santo—kahit punung-puno ng galit ang mundo, you can still choose to be kind. And that for me is real strength, lalo na sa panahon ngayon.”

Ginampanan ng MMFF 2023 Best Child Actor na si Euwenn Mikaell ang role na si Miro, ang batang walong taong gulang na itinuturing na malapit sa puso ni Santo na masasangkot sa isang panganib na susubok sa kakayahan ni Santo sa pelikula.

Kasama rin sa cast si Jake Cuenca bilang anak ng isang crime boss at lumaki sa mundo ng krimen na si Roden.

“When they offered this to me, of course I grabbed the opportunity because I’m working with such an amazing actor, Baron Geisler, but also one of my favorite directors of all time, Direk Lester,” sabi ni Jake.

Kwento pa niya, “Nung natapos namin (filming), mutual respect was given. It’s almost like when you talk about fighting, you share something intimate inside that ring, and I feel like me and Baron shared something intimate inside this movie.”

Kabilang rin sa pelikula sina Jennica Garcia, Malou de Guzman, Soliman Cruz, Richard Quan, JC Alcantara at Joem Bascon.

Grantee ng CreatePHFilms Funding Program ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) ang Delivery Rider na isang inisyatiba na sumusuporta sa mga Pilipinong filmmaker.

Mapapanood ang Delivery Rider sa Netflix sa Asia Pacific at Middle East simula Oct. 23, 2025—a must-watch action-drama movie.