MANILA, Philippines — Lumakas ang signal ng TNT Tropang 5G matapos tambakan ang NorthPort, 94-70 sa PBA Philippine Cup na nilaro sa Smart Araneta Coliseum kagabi.
Bumida sa opensa si Calvin Oftana para tulungan ang Tropang 5G na ikonekta ang pang-limang sunod na panalo at ilista ang 5-3 karta.
Tumikada si Oftana ng 15 points, 10 rebounds at dalawang assists para sa Tropang 5G na ipinalasap sa Batang Pier ang pang-pitong sunod na kabiguan.
Sa second half umarangkada sa opensa si Roger Pogoy, tumapos naman ito ng impresibong statistics na 13 points anim na assists, limang rebounds at tatlong blocks para sa TNT.
Ipinaramdam ng Tropang 5G ang kanilang lakas matapos nilang dominahin ang unang dalawang quarters, hinawakan nila ang 20-point lead, 52-32 sa halftime.
Maagang nag-init ang opensa nina Oftana, Kelly Williams at Simon Enciso kaya nadomina agad ng TNT ang naghihingalong Batang Pier.
Nanatili ang malaking kalamangan ng Tropang 5G sa third frame dahil maging sina Almond Vosotros at John Paul Erram ay umarangkada sa opensa kaya nasupil nila ang NorthPort sa bantang makadikit.
Pagdating ng fourth canto ay tuluyan ng ibinaon ng Tropang 5G ang Batang Pier, inilayo lalo ang bentahe para hindi na makaporma ang huli.
Umiskor si Joshua Munzon ng 20 markers, apat na boards, tatlong assists, tatlong steals at dalawang blocks pero hindi sapat para itaguyod sa panalo ang NorthPort na may 1-7 baraha.
